Medical Call Consultation MOA, pormal nang nilagdaan

Medical Call Consultation MOA, pormal nang nilagdaan

December 16, 2019 @ 12:06 PM 1 year ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pormal nang lumagda ang DOH-CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) kasama ang Innove Communications, Inc. ng memorandum of agreement para sa pag-arangkada ng Medical Call Consultation (MCC) Service Project.

Ito ay upang matugunan naman ang kakulangan sa pasilidad at medical doctors sa mga lugar na mahirap abutin sa Region 4A sa pamamagitan ng makabagong Information and Communication Technologies (ICT).

“Gaya ng nasabi ko, ito na ang tamang pagkakaton upang maisaayos natin ang ating sistemang pangkalugan sa pamamagitan ng Universal Health Care Law. Sa tulong ng batas na ito mas mapapalakas natin ang primary health care upang mabigyan ng sapat at maayos na alagang pangkalugan ang mga kababayan natin na nasa community level,” ayon kay Regional Director Eduardo C. Janairo.

“Dito sa medical call consult service we can provide better medical treatment and care to patients of GIDAs dahil sila ay mabibigyan na mismo ng serbisyo sa kanilang lugar at hindi na nila kailangang tumawid ng dagat at maglakad ng ilang bundok upang makapunta sa pinakamalapit na ospital. Hindi na rin sila mahihirapan financially at mas matututukan pa ang kanilang gamutan hanggang sa sila ay gumaling,” ayon pa kay Janairo.

Sa nasabing proyekto o MCC, kukunin ang data ng pasyente upang mapadali ang pag-follow up at patuloy na pangangalaga sa pamamagitan ng dokumentado na call consult sa tulong ng Barangay Health Worker upang makamit ang pagpapatuloy ng pangangalaga.

Sa ilalim ng kasunduan, magbibigay ang Innove Communications, Inc. ng 180 voice telehealth kits para sa pagpapatupad sa nasabing proyekto.

Ayon kay Janairo, isinagawa ang pilot phase ng MCC mula Pebrero hanggang Hunyo 2019 sa sampung barangay kabilang ang Binibitinan, Libjo, Banadero sa Polillo; Ungos, Capalong, Poblacion 61, Llavac, Real; Poblacion , Patnanungan; at Calasumanga, Bato sa Panukulan kung saan nakapag-rekord ng kabuuang 286 calls mula sa ibat-ibang residente na may ibat-ibang karamdaman.

“We will also schedule trainings for our NDPs and midwives in order for them to be familiarize with the project and the system that we will be using for the implementation of the MCC. Lahat ng aspeto ng ating health care system ay kailangan nating maiayos upang lahat ng nangangailangan ng tulong pangkalusugan ay mabigyan at hindi mapapabayan sa pamamagitan ng Universal Health Care” paliwanag pa ni Janairo.

Telemedicine project ng regional health office ang Medical Call Consult sa ilalim ng pamumuno at direktiba ni Janairo. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •