Medical furlough ni De Lima aprub na

Medical furlough ni De Lima aprub na

June 17, 2022 @ 6:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Aprubado na umano ang hiling ng nakaditine na si Sen. Leila de Lima na medical furlough, ayon sa kanyang abogado nitong Biyernes.

“Na-approve na po ‘yung medical furlough ni Sen. Leila at siya’y nakatakdang pumunta sa Manila Doctors [Hospital] para sa kaniyang medical procedure,” ani Atty. Filibon Tacardon, legal counsel ni De Lima.

Ayon sa “extremely urgent motion” na inihain ng mga abogado ni De Lima, pinayuhan siya ng mga doktor na sumailalim sa vaginal hysterectomy with anterior and posterior colporrhaphy o vaginal wall repair “at the soonest possible time.”

Ayon kay Tacardon, nakatakda ang operasyon ni De Lima sa Hunyo 19 at matatapos ang medical furlough hanggang Hunyo 23.

Nakakulong si De Lima mula pa 2017, habang patuloy ang kanyang apela ukol sa “political persecution” na nag-ugat umano sa pagsita niya sa anti-narcotics crackdown ni Pangulong Rodrigo Duterte, na itinanggi ng kanyang administrasyon.

Matatandaang ilang saksi na ang bumawi ng kanilang alegasyon laban sa senador.

Subalit ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pinayuhan siya ng panel of prosecutors ng Department of Justice na mayroong “good reason” upang ituloy ang paglilitis. RNT/SA