Medical marijuana bill, susuportahan ni Bato

Medical marijuana bill, susuportahan ni Bato

September 29, 2022 @ 8:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Miyerkules na nahihilig siyang suportahan ang panukalang gawing legal ang paggamit ng marijuana para sa medical purposes.

Sa panayam, sinabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs na magbabago lamang ang kanyang posisyon sa panukala kung magbibigay ng “malakas na salungat na opinion” ang Department of Health.

“Wala pa akong naririnig na opinyon galing from the Department of Health. Presently, my stand is tilting towards allowing medical marijuana… Unless magbago yung aking isip kung, merong very strong adverse opinion ang Department of Health pagdating sa bagay na yan. But as of now, wala pa akong naririnig. So I am inclined to support not only for health reasons kundi pati economic reasons,” ayon kay Dela Rosa sa interview ng reporters.

Katulad nang naunang niyang sa ginanap budget hearing ng Philippine Drug Enforcement Agency at Dangerous Drugs Board, sinabi ni Dela Rosa na maaaring pagkakitaan ng Filipino na naninirahan sa kabundukan ang pagtatanim ng marijuana.

“Magiging malaking source of income ito sa ating mga kababayan kung saan kusang tumutubo na lang ang marijuana sa kanilang mga kabundukan. So malaking, magiging cottage industry ito ng mga kababayan natin. Basta properly regulated, hanggang medical marijuana lang tayo walang recreational marijuana,” aniya.

Sinabi pa ng dating hepe ng pambansang pulisya na nanguna sa implementasyon ng drug war sa panahon ni dating Pangulong Duterte, kailangan magpatay ng mahigpit na pamamaraan upang hindi maabuso ang marijuana.

Naghain ng isang panukalang batas si Senador Robin Padilla sa 19th Congress na naglalayong gawing legal ang marijuana bilang “compassionate alternative means of medical treatment.”

Sa ilalim ng panukala ni Padilla, inaatasan ang Food and Drug Administration (FDA) na magsuri sa medical cannabis products, habang pinamomonitor naman sa DDB at PDEA ang paggamit ng medical cannabis. Ernie Reyes