‘Mega dialysis center’ inilunsad sa Pasig

‘Mega dialysis center’ inilunsad sa Pasig

December 21, 2022 @ 8:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inilunsad sa Barangay San Miguel, Pasig nitong Martes, Disyembre 20, ang pinakamalaking dialysis center sa bansa na may kabuuang floor area na 1,390 square meters at may 79 na dialysis machine.

Ang Mega Dialysis Center na ito ay nag-aalok ng gamutan para sa mga Pasigueño na may renal failure at nangangailangan ng Renal Replacement Therapy sa mga pasyente tulad ng kidney transplantation, peritoneal dialysis, at higit sa lahat, hemodialysis nang libre.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, ang mga libreng serbisyo ay naging posible sa tulong ng pribadong sektor.

Karamihan sa mga serbisyong medikal ay babayaran sa pamamagitan ng PhilHealth, ngunit kung sakaling limitado ang pakikilahok sa state insurer, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Pasig na babayaran nito ang mga gastos, dagdag pa ni Sotto.

“Syempre dahil pondo ng Pasigueño ang ginagamit natin, so priority natin ang Pasigueño,” paglilinaw naman ng alkalde.

Binigyang-diin ni Sotto na walang magiging “palakasan system” sa pag-access sa mga libreng serbisyong ito sa Pasig. RNT