‘Mega disasters’ paghandaan – Solidum

‘Mega disasters’ paghandaan – Solidum

April 1, 2022 @ 11:15 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes na patuloy nitong binabantayan ang Taal Volcano na muli na namang naglabas ng magmatic gases at steam, na dahilan upang lumikas ang mga residente malapit dito.

Siniguro ni PHIVOLCS chief Renato Solidum Jr. na handa ang ahensya sa anumang posibilidad  kabilang ang malakas na pagsabog ng supervolcano.

“Ang alert level ng mga bulkan ay nakatutok sa pinakamatindi or worst case na istilo ng  eruption nya.  Ito yung nagbibigay tayo ng statement na Alert Level 5,” pahayag ni Solidum.

“Kahit anong alert level may posibilidad ng pagsabog pero maliit lang. Ang binabantayan natin kung lalakas pa. Kasi bawat alert level nagi-increase tayo ng ipapa-evacuate,” dagdag niya.

Matatandaang nitong Sabado, inilagay nag Taal sa Alert Level 3 (magmatic unrest) dahil sa pag-usok nito bandang alas-7:22 ng umaga.

Mahigit 5,800 indibidwal naman ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa pag-alburoto ng bulkan, ayon sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office nitong Martes.

Iginiit naman ni Solidum na kinakailangan ng long-term plans ng pamahalaan para sa posibleng “worst case eruption,” kagaya noong 1965 Taal Volcano eruption.

“Kailangan magkaroon ng long-term development planning sa paligid ng Taal. Syempre di naman maiiwasan na manirahan pa ang mga tao pero unti-unti kailangan na yung mga actions para mapaghandaan kung totoong may nangyaring malakas ng eruption,” aniya.

Saklaw din nito ang “megadisasters” kagaya ng Yolanda at Odette typhoons, ayon pa sa kanya.

“Ang nangunguna riyan ang NEDA  (National Economic and Development Authority) dahil ‘di na management lang ng disaster kundi development planning din.  Kailangan magawa at unti-unting maihanda ang local government at residents in the long-term,” ani Solidum.

“Ang kailangan talaga sa buong bansa, handa po tayo sa moderate to maliliit na scale ng hazard or disaster pero ang isang advocacy ko ay maghanda ang Pilipinas sa  extreme disasters or mega disasters….kasi hindi lang po local ang kailangan gumanap ng katungkulan pero pati national level. Hindi makakaya ng local government yung pagpaplano, paghahanda at pag-respond sa large-scale or extreme disaster. Yun ang isang kailangan baguhin na framework,” patuloy pa niya. RNT/SA