Menor de edad timbog sa kush

Menor de edad timbog sa kush

December 7, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang menor de edad sa ikinasang buy-bust operation ng Pasay City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) nitong Disyembre 5 sa lungsod.

Ayon kay Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla, nadakip ang 17-taong gulang na suspect dakong alas 5:30 ng hapon sa Kalayaan Village Gate 3 Brgy. 201, Zone 20 Pasay City.

Nag-ugat ang pagkakaaresto sa menor de edad na suspect bunsod sa impormasyon na natanggap ng SDEU mula sa isang informant tungkol sa ilegal na aktibidad at talamak na pagbebenta ng marijuana sa lugar kung saan karamihan sa mga parokyano nito ay mga kabataan.

Sinabi ni Tabernilla na makaraang magpositibo sa isinagawang surveillance operation ang suspect ay ikinasa ng SDEU ang buy-bust operation sa tulong ng informant at isang asset na nagpanggap na bibili ng tsongki sa suspect na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Narekober sa posesyon ng suspect ang 432 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P51,840 at 11.40 gramo ng Kush na nagkakahalaga naman ng P17,100.

Dagdag pa ni Tabernilla na bagama’t menor de edad ang inarestong suspect ay pansamantala muna itong dadalhin sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o anti-illegal drugs law.

“Magpapatuloy sa pagtugis sa iba pang suspects na nagbebenta ng ilegal na droga upang maisalba ang mga kabataang nasisira ang buhay at nabibiktima nito,” ani Tabernilla.

Hinihikayat din ni Tabernilla ang ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa mga ilegal na gawain sa kani-kanilang mga lugar. James I. Catapusan