Menor patay, 12 sugatan sa nasyut na dyip sa bangin sa Kalinga

Menor patay, 12 sugatan sa nasyut na dyip sa bangin sa Kalinga

July 6, 2021 @ 6:13 PM 1 year ago


KALINGA –  Namatay sa pagamutan ang isang menor de edad habang labing dalawa pa ang sugatan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas matapos na masyut sa bangin ang sinasakyang dyip sa bulubunduking bahagi ng Tanudan, Banaue  National Road sa Maraggod, Tanudan, ng nasabing lalawigan.

Kinilala ng PNP Tanudan ang nasawing si Jandy Bulawit Gallamoy,16, menor de edad, residente ng naturang lugar.

Sa nakuhang impormasyon mula kay P/Col. Davy Vicente Limmong Provincial Director ng Kalinga, galing umano ang pampasaherong jeep sa Tabuk City at papauwi na sa Maraggob, Dupligan nang bigla na lamang mawalan ng preno habang paakyat ang kanilang sinasakyan na bigla na lamang umatras at tuloy-tuloy sa ibaba.

Hindi na nakontrol pa ng driver na si Loui Cuminag ang pagdausdos pababa ng sasakyan at diretsong nahulog sa bangin na may pitong metrong lalim.

Ayon pa kay P/Col Limmong, isa sa tinitignan ng kanyang mga tauahan ay maaring ang nasabing aksidente ay overloading na bukod umano sa labing tatlong pasaheros ng jeep ay may iba pang mga lulan ito ng mga pinamili ng mga pasaheros. Jun C. Fuentes