Mental health ng Pinoy, pagtuunan ng pansin – Eleazar

Mental health ng Pinoy, pagtuunan ng pansin – Eleazar

April 7, 2022 @ 6:45 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Balak ni senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar na magsulong ng mga repormang tutugon sa mental wellness ng mga Pilipino, na ayon sa mga tala at obserbasyon, ay tila naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Eleazar, mas kailangang tiyakin ang mental wellness ng mga Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya. Ito’y lalo na para sa mga magulang, na halos pagsabay-sabayin na ang trabaho, gawaing bahay, at pagtulong sa mga anak sa online classes.

“Marahil ay marami pa rin ang nahihiya na pag-usapan and mental health dahil baka mabansagang nababaliw sila kung kokonsulta sa mga eksperto. Pero sa tamang programa ay maipapaalam natin sa publiko ang kahalagahan ng mental health awareness,” aniya.

Kabilang sa mga isusulong ni Eleazar ang pagpapalakas sa Philippine Mental Health Act in the Philippines at paglalaan ng mas malaking budget para sa mental health services gaya ng operasyon ng psychiatric hospitals at pag-empleyo ng mas maraming mental health workers.

Nais din niyang isulong ang paglalagay ng assistance desk na tutugon sa mental health needs sa bawat barangay. Dapat aniya’y sanay din ang barangay health workers sa pagtugon sa mental health issues.

“Mainam kung mailalapit natin sa tao ang tulong na kailangan nila pagdating sa usapin ng mental issues dahil hindi biro ang kalagayan ng isang taong dumaranas nito,” ani Eleazar.

Sa tala ng Department of Health, nasasaad na 3.6 milyon Pilipino ang dumanas ng mental at neurological disorders noong 2020. Nang tumama ang pandemya sa bansa sa parehong taon, inihayag ng National Center for Mental Health na nakatanggap ito ng 11,017 tawag mula sa mga humihingi ng mental health assistance.

Naniniwala si Eleazar na pinakanaapektuhan ang ang mga magulang, na dumanas ng dagdag na stress dahil natigil ang face-to-face classes ng mga anak.

“Ang mga masalimuot na problemang kinaharap noon sa edukasyon ay mas tumindi pa ngayon. May mga nagsasabing nasa crisis level na nga tayo. Pero bukod sa mga estudyante, lubhang apektado ay ang ating mga nanay, tatay, at guardians na kailangan sumabay sa mga pangangailangan sa blended learning,” aniya.

“Ang ating mga ina na kailangan gumabay bilang guro sa bahay sa kabila ng mga regular na gawain ay dapat din nating alalayan. Ang ilan sa mga nanay o tatay ay nagkakaroon ng mental breakdown dahil sa patong-patong na tungkulin na kailangan nilang gampanan. Pagtuunan natin ng pansin ang usapin sa mental wellness.”

Noong magsilbi bilang PNP chief, isa sa mga tinutukan ni Eleazar ang pagtitiyak sa mental health ng mga pulis. Inatasan niya ang mga ground commander na i-monitor ang mga tauhan at magsagawa ng regular na psychological counselling at evaluation para sa mga ito. RNT