Mental health programs palalakasin ng DepEd

Mental health programs palalakasin ng DepEd

January 26, 2023 @ 6:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binabalak ng Department of Education (DepEd) na palakasin ang mga programang tumutugon sa mental health issues ng mga estudyante kasunod ng mga insidente ng school violence kamakailan, ayon sa opisyal nitong Huwebes.

Iniugnay ni DepEd Spokesperson Michael Poa ang kaso ng karahasan sa mga paaralan sa mental health problems, na target tugunan ng ahensya “at the school level.”

“We can see from the circumstances surrounding such incidents that they are related to mental health issues,” pahayag ng opisyal.

“The Department commits to seek out mental health experts and advocates to be able to formulate and implement effective programs to address such issues at the school level,”dagdag niya.

Ito ay kasunod ng pananaksak sa 13-anyos na estudyante sa Culiat High School sa Quezon City, kung saan kaklase niya ang suspek.

Nauna nang inihayag ng DepEd’s office sa National Capital Region na sasailalim sa “stress debriefing session” ang mga mag-aaral at estudyante na nakasaksi sa pangyayari.

Nitong Disyembre dalawang estudyante ng Colegio San Agustin sa Makati ang sangkot sa kaguluhan sa loob ng isa sa mga palikuran sa campus. Nakuhanan ito ng video, na nag-viral sa social media.

Samantala, nito lamang Huwebes ay namatay ang isang 12-anyos na estudyante matapos aksidenteng mabaril ang sarili habang gamit ang baril ng kanyang ama sa loob ng paaralan sa San Jose del Monte, Bulacan. RNT/SA