METRO MANILA FILM FESTIVAL 48TH EDITION

METRO MANILA FILM FESTIVAL 48TH EDITION

December 19, 2022 @ 1:34 PM 1 month ago


Sa ating “Samu’t Saring Kaalaman”, pag-usapan natin ang isa sa mga naging tradisyon na tuwing sumasapit ang Kapaskuhan, ang panonood ng mga pelikulang lahok sa MMFF o ang Metro Manila Film Festival.

Ang MMFF ay pinangungunahan ng Metropolitan Manila Development Authority simula pa noong taong 1975, nasa 48th edition na ang pestibal na nagtatampok sa mga likhang pelikula ng local directors at producers.

Sa loob ng dalawang Linggo o higit pa, tanging mga pelikulang gawa sa bansa ang ipinalalabas sa mga sinehan maliban sa Imax theaters. 

Pinaghalong de-kalibreng mga pelikula at pambata ang itinatampok sa taunang pestibal.

Ang “Jose Rizal” ng namayapang director Marilou Diaz Abaya ng GMA films ang siyang may pinakamaraming napanalunang parangal na pelikula sa kasaysayan ng MMFF, 17 trophies mula sa 18 categories, nangyari ito noong taong 1998. Ang hindi lang nila napanalunan ay ang “Best Actress” trophy na nakuha ni Alice Dixson para sa “Sambahin ang Ngalan Mo”.

14 trophies naman ang 10,000 Hours ni director Joyce Bernal tampok ang ngayo’y senador na si Robinhood Padilla noong taong 2013, at ang “Magic Temple” ni director Peque Gallaga para sa Star Cinema noong taong 1996.  

Pagdating sa aktingan, walo ang best actress trophies ni superstar Nora Aunor, lima kay Ms. Maricel Soriano, at apat naman kay star for all season at Lipa City Representative Vilma Santos Recto.

Sa mga actor naman, pitong tropeo kay Christopher De Leon at tig-tatlo kina Cesar Montano at Anthony Alonzo.

Nasa kabuuang 384 na pelikula na ang naitampok sa halos limang dekada ng MMFF, kabilang ang walong pelikula ngayong taon, ang –

● “Deleter”, isang techno-horror film, tampok si Nadine Lustre mula sa Viva films;

● “Family Matters”, drama film nina Noel Trinidad at Liza Lorena mula sa Cineko productions;

● “Labyu with Accent”, romantic comedy, starring Coco Martin at Jodi Sta. Maria mula sa ABS-CBN film productions;

● “Mamasapano: Now It Can Be Told”, action drama kasama sina Edu Manzano at JC De Vera mula sa Borracho film production;

● “My Father, My Self”, drama – Boys Love o BL, tampok sina Jake Cuenca, Dimples Romana at Sean De Guzman mula sa Mentorque productions at 3:16 media network;

● “My Teacher”, drama kasama sina Toni Gonzaga at Joey De Leon mula sa TEN17P;

● “Nanahimik ang Gabi” thriller, nina Ian Veneracion at Heaven Peralejo ng Rein entertainment productions; at ang

● “Partners in Crime”, comedy nina Vice Ganda at Ivana Alawi mula sa ABS-CBN film productions.

Malalaman ang mga magwawagi ng parangal sa December 27, at magtatagal hanggang January 7, 2023 ang pestibal.

Kumikita mula P900 milyon hanggang higit P1 bilyon ang taunang MMFF na napupunta sa iba’t ibang benepisyaryo ng local film industry.

Kaya, ipagpatuloy ang bonding ng pamilya at mga barkada, suportahan ang mga pelikulang tampok ang sarili nating talent at ating mga kuwento.