Metro Manila pasok sa panukat ng WHO sa COVID-19

Metro Manila pasok sa panukat ng WHO sa COVID-19

November 11, 2020 @ 6:36 PM 5 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinabi ni Professor Ranjit Rye, miyembro ng OCTA Research Team, na pasok sa panukat ng World Health Organization ang Metro Manila ukol sa mababang bilang ng nagpopositibo sa coronavirus disease o COVID-19 para sa pagbubukas ng ekonomya.

Ayon kay Rye, tagumpay umano ng pamahalaan, pribadong sektor at mamamayan ang pagkakaroon lang ng positibo sa pandemya na limang porsyento sa Nobyembre 2 hanggang 8, 2020 mula sa 6% noong Oct. 19 to Nov. 1.

Rekomendasyon ng WHO, magbukas lang nang buo ang isang bansa o lugar ng ekonomiya kung hanggang 5% lang ang nagkakasakit at pagkatapos ng dalawang linggong ganitong kalagayan.

Tanging ang mga lungsod ng Maynila, Makati at Pasig ang nakikitang medyo mas matataas ang bilang ng may positibo subalit sa pangkalahatan, maayos na ang kalagayan.

Hindi umano dapat hayaan na matulad sa naturang tatlong lungsod ang iba pang mga lungsod upang hindi muling malagay sa hindi maganda ang buong rehiyon.

Sinabi ng nasabing eksperto na hindi dapat magrelaks ang lahat upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso.

Pinakamainam umano na panatilihin ang pagsunod sa lahat ng mga patakarang pangkalusugan laban sa pandemya upang mapigilan ang anomang pagkalat nito na labis sa inaasahan.

At kung mayroon mang pagdami ng mga maysakit, hindi aabot sa puntong hirap ang mga ospital sa pagtugon sa mga ito.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng general community quarantine ang Metro Manila at halos lahat na ng negosyo ay bukas maliban lang sa entertainment at pamamasyal.

Sa ngayon, may mahigit sa 401,000 na ang kabuuang kaso ng may COVID-19 sa buong bansa at tinataya ng OCTA tataas ito sa 425,000-440,000 sa katapusan ngayong buwan.

Pinag-aaralan pa ng team kung ang pagtaas ng kaso ay resulta ng pagbabalik ng Philippine Red Cross sa pagsusuri o ng pagbubukas ng ekonomiya. RNT


  •  
  •  
  •