Metro Manila Subway makukumpleto sa 2028 o 2029 – DOTr exec

Metro Manila Subway makukumpleto sa 2028 o 2029 – DOTr exec

October 3, 2022 @ 10:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Makukumpleto ang Metro Manila Subway project — ang unang underground railway system ng bansa — sa 2028 o 2029, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez nitong Lunes.

Sinabi ni Chavez na nag average completion time para sa subway system projects sa bansa ay anim hanggang pitong taon.

“Ang isa sa mga contractor natin ay siya ring gumawa ng subway sa Tokyo, Indonesia, Vietnam, Singapore. Naga-average po ng six to seven years ang construction at ganun din sa Pilipinas. So sa siyentipikong pag-aaral, tapos na ito by 2028 to 2029,” pahayag niya.

Saklaw ng subway railway project ang 33 kilometro na may 17 istasyon mula Valenzuela City hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Base kay Chavez, nagsimula na ang konstruksyon sa East Valenzuela station at depot maging sa North Avenue station.

Isasagawa sa susunod na buwan ang contract signing para sa Packages 2 at 3 kabilang ang mga istasyon sa Ortigas, Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, at Katipunan, aniya.

Sinabi ni Chavez na operational ang railway system mula East Valenzuela at Shaw Boulevard stations sa 2028.

Iginiit din ng DOTr official na ang Metro Manila Subway project ay ‘resilient” sa mga lindol at baha dahil kaparehas ang teknolohiya nito sa Japan, na madalas na makaranas ng pagyanig.

“Alam niyo naman ang sitwasyon, maya’t maya lumilindol sa Japan. Wala tayong problema doon. The same technology, system, and procedure ang gagamitin dito sa pagbubuo ng Metro Manila Subway project,” sabi niya. RNT/SA