Metrobalita webmaster, pormal nang kinasuhan

Metrobalita webmaster, pormal nang kinasuhan

May 7, 2019 @ 12:39 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Pormal nang kinasuhan ng Department of Justice (DoJ) sa Paranaque Regional Trial Court ang gumawa ng website  ng MetroBalita.com na si Rodel Jayme kung saan makailang ulit na lumabas ang kontrobersyal na “Ang Totoong Narcolist” videos na nag-uugnay sa mga miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga.

Kasong Inciting to Sedition o paglabag sa Article 142 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act ang kinakaharap na kaso ngayon ni Jayme.

Nauna nang sinabi ng DoJ Panel of Prosecutors na ang paglikha ni Jayme ng website at ang paggamit nito para ipakalat ang mga videos na nagsasabing dawit ang Presidente at ang ilang miyembro ng pamilya nito sa illegal drug trade o bilang mga protektor ng mga drug lords ay malinaw na naglalayong dungisan ang kumpiyansa ng taongbayan sa pamahalaan.

Ayon sa mga inquest prosecutors, valid ang pagka-aresto ng NBI kay Jayme noong Abril 30.

Naniniwala ang DoJ Panel na mayroong personal knowledge ang NBI agents na sa mga krimeng nagawa ni Jayme.

Bukod kay Jayme, kasama ding kinasuhan ng DOJ Prosecutors ang ilan pangmga John at Jane Does na nakasama o naging kasabwat ni Jayme sa pagpapakalat ng Ang Totoong Narcolist videos.

Itinakda ng DoJ Panel ang piyansa sa kaso ni Jayme sa P36,000.

Sakaling mahatulang guilty si Jayme, maari itong maharap sa pagkakakulong nang mula anim na taon hanggang 12-years. /Beth Dominguez