Mga 13-anyos na bawal mag-aral, nag-aasawa na lang

Mga 13-anyos na bawal mag-aral, nag-aasawa na lang

November 12, 2022 @ 11:30 AM 4 weeks ago


KANDAHAR – Hindi na mapigilan ang pag-aasawa ng mga 13-anyos na babae sa bansang Afghanistan magsimula nang pagbawalan silang pumasok sa eskwela ng pamahalaang Taliban.

Ayon sa mga source sa nasabing bansa, tanging ang mga lalaki na lamang ang pupwedeng pumasok sa eskwela hanggang kolehiyo at bawal ang mga babae.

Ganap nang isinara ang mga eskwela na pinapasukan ng mga babae, taliwas sa naunang pahayag ng pamahalaang Taliban noong mapatalsik ang mga Amerikano nitong nakaraang taon.

Ayon sa mga babae, wala silang mapagpipilian kundi mag-asawa na lang upang may mga magagawa sila maliban sa mga karaniwang gawaing bahay.

Sagot na rin umano ang pag-aasawa sa malawakang kahirapan sa bansa dahil binibigyan ng dowry ang mga babae bago sila pakasalan at nakikinabang na rin sa dowry ang mga pamilyang pinanggagalingan ng mga ito.

Karaniwang higit na matatanda ang napapangasawa ng mga menor-de-edad gaya ng mga nagkakaedad ng 20 pataas kumpara sa mga 13-15 anyos na babae. RNT