MGA ABUSADONG EMPLOYER, PABAYANG RECRUITMENT AGENCIES, LAGOT KAY SEN. TULFO

MGA ABUSADONG EMPLOYER, PABAYANG RECRUITMENT AGENCIES, LAGOT KAY SEN. TULFO

September 3, 2022 @ 5:49 PM 4 weeks ago


DAHIL sanay na sa mga reklamong natatanggap sa kanyang programang “Raffy Tulfo in Action” binuhusan ng pansin ni Senator Raffy Tulfo ang mga abusadong employer at walang pakialam at pabayang recruitment agencies dahilan upang hikayatin ang Department of Migrant Workers na maging agresibo sa kampanya kaugnay sa mga obligasyon ng mga ito sa domestic helpers.

 

Aba’y tama naman ang sinasabi ng butihin mambabatas na kailangan ang masusing pagkilatis sa  employers at recruitment agencies dahil marami sa overseas filipino workers ang nagkaroon ng sakit sa pag-iisip at naging biktima ng illegal recruitment ng mga kumpanyang matagal na ring ‘involve’ sa pagpapaalis ng workers para sa ibang bansa.

 

Sabi nga ni Tulfo kay DMW Secretary Susan Ople ” kailangan  siguro na mayroon profiling sa foreign employers at recruiters, hindi pwedeng basta na lang tayo magpapasa ng tao sa mga employer ‘yun pala may sira na ang ulo, (o) galing sa psychiatric ward ang iba sa kanila.

 

Kawawa naman talaga ang ilang DH na inabuso ng kanilang mga amo.

 

Inihalimbawa pa ng mambabatas ang kaso ng isang DH na inabusong sekswal ng kanyang amo na nakauwi ng Pilipinas at ang parehong amo nito ay nakapanghalay pa ng isa pang DH na ipinadala ng recruitment agency.

 

Ikinatwiran naman ni Ople na isa pang problema ay ang marketing strategy ng recruitment agencies na kumukuha ng ahente na silang kumukuha ng workers sa mga probinsiya na nagiging biktima.

 

Siyanga pala, Sen. Tulfo, pakipaimbestigahan mo sana kay Sec. Ople ang isang consultant ng mga recruitment agency na nagpapaalis ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa na ang ipinagmamalaki ay ang koneksyon niya sa Philippine Overseas Employment Administration.

 

Ang consultant na ito ay marami nang nalokong mismong mga recruiter na iniyayabang ay mismong tiyahin ni Sec. Ople na taga-Bulacan.

 

Maganda naman talagang mapagtuunan ng pansin ang problema sa recruitment dahil kawawa naman talaga ang mga nabibiktima nito lalo na yung mga taga probinsiya na nakuhanan pa ng malaking halaga ng pera.