Mga Aeta tumulong sa paghahanap sa Cessna 206 plane

Mga Aeta tumulong sa paghahanap sa Cessna 206 plane

January 28, 2023 @ 3:00 PM 2 months ago


MACONACON, ISABELA- Dahil sa bigo pa rin na matagpuan ang nawawalang Cessna 206 plane na may anim na sakay kabilang ang piloto ay tumulong na rin ang mga aeta o dumagat at mangangaso sa ginagawang ground search ng binuong Search and Rescue Team ng Pamahalaang Lokal ng Divilacan, Isabela katuwang ang rescue Maconacon, Palanan at mga sundalo ng 5th Infantry Division Philippine Army.

Ayon kay Mayor Venturito Bulan, agad bumuo ng team na mangunguna sa ground search matapos mapabalita ang pagkawala ng Cessna 206 plane noong araw ng Martes na binubuo ng joint rescue team ng Divilacan, Maconacon at Palanan katuwang ang Philippine Army.

Kinausap na rin nila ang mga Dumagat, kabilang ang ilang mangangaso para tumulong sa paghahanap at binigyan nila ng makakain sa loob ng tatlong araw na ground search.

Kasunod nito ay nakatakdang magbigay ng reward ang pamahalaang lokal upang mapabilis ang paghahanap.

Nakatakdang bumalik ang rescue team sa bahagi ng Dicaruyan kung saan namataan ang isang puting bagay sa bulubunduking bahagi nito subalit hindi ito nakumpirma dahil sa nabalot ang kabundukan ng makapal na ulap.

Nanawagan Si Mayor Bulan sa mga residente ng Divilacan maging sa mga kalapit bayan na makipagtulungan sa paghahanap sa eroplano upang mailigtas ang mga biktima na kinabibilangan ng ilang menor-de-edad.

Sa nakuhang impormasyon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Ezikiel Chavez, matapos ang ilang araw na paggalugad sa kagubatan ay umuwi na ang dalawang rescue team matapos bigong makakita ng indikasyon sa posibleng kinaroroonan ng nawawalang Cessna plane dahil sa masukal ang kagubatan at mahamog dahil sa naranasang pag-uulan sa lugar.

Umabot sa 30 kilometro ang nilakad ng rescue team ngunit walang nakitang debris sa bahagi ng kabundukan habang hindi pa nakukumpirma ang nakitang puting bagay sa bahagi ng Barangay Dicaruyan, Divilacan, Isabela dahil sa makapal na ulap.

Mahirap ang pinagdaanan ng mga rescue team dahil tumawid sila sa mga ilog at dumaan sa masukal na kagubatan.

Nilinaw ni Ginoong Bong Meneses, miyembro ng Philippine Aeronautical Coordination Center ng Civil Aviation Authority of the Philippine (CAAP) na wala silang natanggap na stress alert mula sa Cessna plane 206 nang mawala ang eroplano noong January 24, 2023.

Aniya, may Emergency Locator Transmitor ang Cessna 206 na dapat sana ay mag-aactivate kapag bumagsak ang eroplano.

Ang emergency Locator Transmitor ay nasasagap ng HongKong mission center subalit batay sa ginawang review ay walang nasagap na signal o frequency mula sa naturang eroplano.

Kaugnay nito, nagtalaga ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pamumuno ni PCol. Julio Go ng 25 personnel mula sa Maconacon Police Station, Divilacan Police Station, San Mariano Police station at 1st Provincial Mobile Force Company para tumulong sa ground search and rescue upang mahanap ang nawawalang eroplano sa tinatawag na alpha site o sa lugar na sinasabing posibleng lokasyon ng Cessna 206 sa bahagi ng Dicaruyan, Divilacan, Isabela.

Maliban sa mga deployed personnel ay nakaantabay din ang kanilang Water Search and Rescue (WASAR) na nakabase sa Tumauini, Isabela kung kailangan pa ng karagdagan pwersa.

Samantala, naging sagabal ang zero visibilty sa naturang area kung saan ay makapal ang ulap at patuloy ang pag-aambon sa lugar.Ā Rey Velasco