Mga apektado ng water shortage, walang babayaran sa April bill – Manila Water

Mga apektado ng water shortage, walang babayaran sa April bill – Manila Water

March 26, 2019 @ 10:53 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Magpapatupad ng “one-time bill waiver scheme” ang Manila Water bunsod ng naranasang water shortage ng ilang lugar sa Metro Manila at probinsiya ng Rizal ngayong buwan.

Sa press briefing ngayong Martes, sinabi ni Manila Water president at CEO Ferdinand Dela Cruz na ang scheme ay makikita sa April bill ng mga kostumer.

“Para sa labis na naapektuhan ng water shortage… walang babayaran na water bill na matatanggap sa buwan ng April,” ani Dela Cruz.

Ang desisyon ng Manila Water ay kasunod ng pormal na pagsasampa ng reklamo ng ilang indibidwal sa pangunguna ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Lunes.

Hinihiling nila sa Manila Water na suspindehin ang singil sa tubig ng mga kostumer na naapektohan ng water shortage.

Nais din nilang pagmultahin ang Manila Water dahil sa kabiguan nitong magbigay ng tuloy-tuloy na serbisyo sa tubig.

Naapektohan sa water shortage ang nasa 1.2 milyong kabahayagan sa east zone ng Metro Manila na siniserbisyuhan ng Manila Water.

Hanggang ngayon, mayroon pa ring ilang residente ang umaalma na nawawalan pa rin sila ng tubig./Remate News Team