Mga aplikante ng SoKor visa magdamag nagkampo sa haba ng pila

Mga aplikante ng SoKor visa magdamag nagkampo sa haba ng pila

September 14, 2022 @ 11:06 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Magdamag na nagkampo sa labas ng Embahada ng South Korea sa Taguig ang mga aplikante ng visa.

Ito ay upang habulin ang huling araw ng pagpayag na magwalk-in ang mga nais mag-apply ng South Korean visa.

Sa bago kasing sistema, simula bukas, Setyembre 15 ay bawal na ang walk-in applicants at ang papayagan na lamang ay ang mga magpapa-book gamit ang kanilang online system.

Sa bagong sistema, mayroong tatlong iskedyul na inilaan ang Korean Embassy.

8:30 ng umaga ay inilaan para sa mga accredited travel agency at individual applicants na may asawang Korean national.

9:30 ng umaga naman ang inilaan para sa mga turista.

10:30 ng umaga naman para sa mga mag-aapply para sa official conference, business, entertainment, sports, pag-aaral, religious visit, foreign diplomats, seasonal workers at international organizations.

Sa oras na maipatupad ito, ang papayagan na lamang magpunta sa Embahada ay ang mayroon nang official appointment makaraang makumpleto ang lahat ng mga requirements para sa aplikasyon ng visa. RNT/JGC