Mga armas, bomba nakuha sa kuta ng BIFF

Mga armas, bomba nakuha sa kuta ng BIFF

June 21, 2022 @ 11:24 AM 5 days ago


MAGUINDANAO- Nakuha ng militar ang mga bomba at armas sa kuta ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isinagawang focused military operation ng 40th Infantry Battalion Philippine Army, Lunes sa lalawigan ito.

Ayon kay 601st Brigade Commander Colonel Oriel Pangcog, isinagawa ang operasyon laban sa isang alyas Banjo at mga tauhan nito ng BIFF-Bungos faction sa Barangay Kitapok Datu Saudi Ampatuan Maguindanao.

Pagdating sa lugar ng 40th IB sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Edwin Alburo hindi nila naabutan si Banjo at grupo nito na posibleng natunugan nila ang presensya ng militar.

Nakuha naman sa kuta ng teroristang grupo ang M16 armalite rifle, 1-bomba (UXO), 60mm Mortar ,3 Anti-Personnel Mine; mga bala, magasin,4 handheld radios, mga bahagi ng mga armas, personal na kagamitan at mga sangkap sa paggawa ng bomba.

Nanawagan naman si Pangcog sa mamamayan na patuloy na suportahan at makipagtulungan sa tropa ng militar dahil bawat sandata na makukuha sa kalaban ay katumbas ng pagliligtas ng maraming inosenteng buhay at pagtiyak sa kanila ng isang magandang kinabukasan./Mary Anne Sapico