Mga armas nasabat sa Sarangani, dadalhin sa Papua

Mga armas nasabat sa Sarangani, dadalhin sa Papua

January 22, 2023 @ 10:23 AM 2 weeks ago


(FILE PHOTO)

MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang bulto-bultong armas mula sa isang Indonesian national at dalawang Filipino sa Kiamba, Sarangani.

Ayon sa impormasyon, papunta sa West Papua ang mga ito para dalhin ang mga armas na magpapalakas sa mga rebelde sa nasabing rehiyon ng Indonesia.

Sa impormasyon ng Soccsksargen Police Regional Office, ang 29-year-old Indonesian suspect na si Anton Gobay ay nakakuha ng suporta mula sa paksyon ng Jihada Minsupala Command ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Mindanao, sinabi ni Col. Leo Sua, commander ng Regional Mobile Force Battalion 12.

Hindi naman tinukoy ni Sua kung ano ang papel ng grupo para makakuha ng armas ang mga rebelde sa Indonesia.

Kabilang sa mga armas na nasabat ay 10 Colt AR-15 rifle, 20 magazine at 10 detachable rifle butts.

Ang mga Pinoy na suspek naman ay nakilalang sina Michael Tino, 25, ng Barangay Malalag, Maitum, Sarangani, at Jimmy Abolde, 53, ng Zoneza Saway, Barangay Labangal sa General Santos City.

Nakuha sa kanila ang mga armas na ito na nakalagay sa loob ng trolley bags sakay ng tricycle na napadaan sa checkpoint sa Barangay Nalus, Kiamba.

Nang siyasatin ay nagpakilala ang dayuhang sakay ng tricycle na isang Indonesian ngunit pumalya itong makapagpakita ng pasaporte.

Ani Sua, napaulat na nakapasok si Gobay sa bansa mula sa West Papua sa pamamagitan ng biyahe mula sa Jakarta patungong Manila.

“Accordingly, the firearms will be used for the defense force of their military forces in [West Papua],” aniya.

Ilang taon nang problema ng naturang rehiyon sa Indonesia ang isyu ng rebelyon kabilang ang West Papua National Liberation Army, na tinukoy bilang isang terrorist at armed criminal group, ay ang armed wing ng Free Papua Movement na naglalayong maihiwalay ang kanilang rehiyon mula sa Indonesia.

Samantala, sasampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang mga suspek. RNT/JGC