Mga artistang namatay ngayong taon, alamin!

Mga artistang namatay ngayong taon, alamin!

November 1, 2022 @ 9:00 AM 1 month ago


Hindi pa man nagtatapos ang taong 2022, atin nang balikan ang listahan ng mga sikat na personalidad at artistang namatay ngayong taon!

Ito ay bilang bahagi ng ating paggunita ng Undas ngayong araw, Nobyembre 1.

Simulan natin ang listahan sa pagpanaw ng isang Korean actress na naging bahagi rin ng K-drama na Snowdrop, si Kim Soo Mi noong Enero 5.

Ang dahilan ng kanyang pagkamatay ay hindi na inilantad ng kanyang ahensiya.

Dalawang beterano rin pagdating naman sa pelikulang Pinoy ang namaalam ngayong taon.

Una ay ang veteran comedian na si Don Pepot o Ernesto Fajardo sa tunay na buhay, kung saan siya ay sumakabilang-buhay noong Enero 18 sa edad na 88 taong gulang dahil sa pneumonia.

Siya ay nagsimula sa kanyang acting career noon pang 1964 at naging bahagi pa ng pelikulang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako na official entry sa Metro Manila Film Festival noong 2012.

Ilang araw naman makalipas ang pagpanaw ni Don Pepot, Pebrero 1 naman ng mabalitaan ang pagpanaw ng veteran at award-winning actress na si Rustica Carpio.

Siya naman ay 91-taong gulang na hindi naman naihayag kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Si Carpio ay naging bahagi ng mga pelikulang Aliw (1979), Bona (1980), T-Bird At Ako (1981), Moral (1982), Rizal In Dapitan (1997), Lola (2009), at Captive (2012)

Tumanggap din siya ng Lifetime Achievement Award mula sa iba’t ibang award giving bodies dahil sa kanyang kontribusyon sa naturang industriya.

Sa larangan naman ng musika, labis na ipinagluksa ang pagpanaw ng singer sa likod ng 2004 hit song na “Because of You”.

Siya ay si Keith Martin na natagpuang wala nang buhay sa condominium unit na tinitirhan nito sa Quezon City noong Marso 25.

Ang sikat na make-up artist, stylist at fashion designer na si Fanny Serrano ay isa rin sa mga kilalang personalidad na namaalam ngayong 2022.

Ito ay matapos na bawian siya ng buhay noong Mayo 10 sa edad na 74-taong gulang.

“It is with a heavy heart to share to everyone that my father, Felix Mariano Fausto Jr. aka Fanny Serrano, has peacefully joined our creator last night, around 9 pm at the comfort of our home,” ayon sa pahayag ng kanyang anak na si Maktin Miranda.

Maliban sa pagpanaw ni Don Pepot, dalawang komendyante pa ang namaalam ngayong taon, ito ay sina Phillip Lazaro at Caloy Alde.

Hulyo 22 nang maibalita na pumanaw na ang comedian na si Carlos “Caloy” Alde dahil sa massive heart attack at Hulyo 11 naman dahil sa multiple organ failure ang ikinamatay ng beteranong comedian at direktor na si Philip Lazaro.

Maliban sa mga nabanggit na personalidad, nabigla rin ang mga Filipino sa pagkamatay ng dalawang beteranang aktres na namaalam na rin hindi lamang sa kanilang karera sa industriya, kundi maging sa kanilang buhay.

Mayo 20 nang kumpirmahin ng anak na si Senator Grace Poe ang pagpanaw ng Queen of Philippine Movies na si Susan Roces o Jesusa Sonora-Poe sa tunay na buhay kung saan umapaw ang pakikiramay ng iba’t ibang personalidad, politiko at mga kasamahan sa industriya sa nangyaring ito.

Nitong Agosto 5 naman ay gumimbal ang balitang natapos na ang laban ng isa ring beteranang aktres at primera contravida na si Cherie Gil sa kanyang sakit na endometrial cancer habang ito ay nasa New York City.

Siya ay edad 59 naman ng bawian ng buhay.

Ito ay ilan lamang sa marami pang mga personalidad sa iba’t ibang larangan na sumakabilang buhay ngayong taon, 2022 na tiyak aalalahanin ng mga kaibigan, pamilya at taga-suporta sa kanilang pagpunta sa mga sementeryo ngayong araw na ito.

Dalangin natin na ang kanilang mga alaala at kontribusyon sa kani-kanilang larangan ay magsilbing inspirasyon sa mga taong nangangarap na maabot ang katulad na kasikatan na kanilang nakamit nang sila ay nabubuhay pa. RNT/JGC