BAWAL NA ABORSYON AT BABAE MAHALIN

KATAKOT-TAKOT na away ang nagaganap sa Amerika kaugnay ng bagong desisyon ng United States Supreme Court na wakasan na ang kalayaan ng mga kababaihan na magpalaglag ng kanilang sanggol sa sinapupunan.
Inilabas ang desisyon kamakailan na nagpapawalang-saysay sa naunang USSC decision sa kasong Roe vs Wade noong 1973 na nagbigay-kalayaan sa pagpapalaglag dahil protektado umano ng Konstitusyon ng Amerika.
Isa sa mga umaaway ngayon sa Hukuman si President Joseph Biden mismo na nagsabing inalisan ang mga kababaihan sa kanyang bansa ng napakahalagang karapatan.
Binubuo ang kalayaang lubos na pagpapalaglag sa ipinagbubuntis sa unang tatlong buwan at pagsusuri muna bago abortion sa sanggol na 4-6 buwan ngunit bawal na ito sa ika-7-9 na buwan.
ABORTION CLINICS NAGSARA KAAGAD
Mabilis na umaksyon ang mga may klinika sa abortion dahil na rin sa patakarang likha ng trigger law o instant ban kung tawagin.
Matapos na lumabas ang balita ukol sa bagong desisyon sa mga pahayagang online, nagsara rin agad ang maraming abortion clinic, lumayas ang mga doktor, nars naiwang nakanganga ang mga nakapilang magpalaglag at mga escort o recruiter nila.
Ang iba na bukas, hinarang at pinasara ng mga demonstrador na kontra-aborsyon.
Maraming estado ang sumunod agad sa trigger law subalit may mga hindi umaksyon kaagad at magpapalipas pa ng mga araw o panahon bago nila pairalin ang desisyon o kaya’y idaraan umano sa halalan ang desisyon.
Ang mga estadong hindi agad nagpatupad ng desisyon ay nagsabing huwag daw naman sanang harangin ng iba ang pupunta sa kanila para magpalaglag.
LUMILIPAD SA MERIKA PARA MAGPALAGLAG
Bigla nating naalaala ang ilang Pinoy na pumupunta sa Amerika para magpalaglag.
Ayaw nilang malaman ng publiko na nabuntis sila.
Kung bakit, sila lang ang nakaaalam.
Subalit may galing sa mga sikat na larangan gaya sa pag-aartista at ayaw nilang masira ang kanilang mga pangalan.
Meron ding mga politiko na gumagawa nito para hindi rin masira ang kanilang mga reputasyon, lalo na kung alanganin ang relasyon ng mga ito na makaaapekto sa panunungkulan nila sa gobyerno.
PAANO SA PINAS?
Ang pagkakaalam ng ating Uzi, may mga nakahain na batas sa Kongreso para maging ligal ang aborsyon sa Pinas at kakambal ito ng panukalang batas na maging ligal din ang same-sex marriage o lalaki sa lalaki o babae sa babae na kasalan.
Pero kinokontra lagi ang mga ito ng maraming simbahan, pangunahin ang Simbahang Katolika.
Dahil naman sa desisyon ng mga Kano, maaaring mahirapan na makalusot din sa Pinas ang anomang panukalang para sa aborsyon.
Ang mabuti pa, dapat mag-ingat na lang ang mga ayaw magbuntis.
At ang mga kalalakihan, huwag naman sanang gumawa nang gumawa ng isang bagay na ikasasama ng mga kababaihan kaugnay ng pagbubuntis.
Mahalin nila ang kababaihan at hindi buntisin lang tapos itulak na magpalaglag.
o0o
Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
MONKEYPOX PANDEMYA NA; GERMANY BABAGSAK

HINDI pa tayo natatapos sa pandemya na dulot ng coronavirus disease-19, heto na naman ang isang pandemya, ang monkeypox, krisis sa Europa.
Idineklara na ang monkeypox na public health emergency ng World Health Organization dahil napasok na nito ang 58 bansa at 42 dito ang may marami nang kaso.
Mabilis ang pagkalat nito na dumaraan sa tao sa tao at hayop sa tao at tao sa hayop.
Sentro ngayon ng monkeypox ang Europa habang meron na rin sa Africa na mayroon nang patay, mula sa United States hanggang Central America at Latin America, mga Arabong bansa at Western Pacific gaya ng South Korea at Japan.
ANO ANG MONKEYPOX?
Ang monkeypox ay isang bulutong na maaaring libo-libo na tatama sa isang tao na maaari niyang ikaospital o ikamatay.
Karaniwang tumatama ito sa mukha, palad, sakong, mata at ari at pagbitak nito, maaaring puti o dilaw na likido ang lalabas.
Sintomas nito ang lagnat, matinding sakit sa ulo, pananakit ng kalamnan, panghihina ng katawan at pantal sa katawan.
SERYOSONG KALAGAYAN AT KAMATAYAN
Sinasabing kapag kinapitan ang isang kapangangak lang na baby o iba pang bata at may edad na mahina ang resistansya o pangontra rito, maaari siyang maospital o mamatay.
Maaari ring mabulag ang pasyente o magkaroon ito ng pneumonia na matindi.
Sa rekord mula sa mga bansang nagkaroon na ng monkeypox, sa bawat 100 na nagkakasakit, nasa 3-6 ang namamatay.
Sa ngayon, may 58 nang bansang napasok ng sakit na ito.
BABALA SA LGBTQ AT ISANG KASO
Kaugnay nito, nagbabala na ang WHO sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender at queer na sila’y madaling matamaan nito.
Lalo na umano ang mga lalaking nakikipag-sex sa mga kapwa nila lalaki.
Napag-alaman ito mula sa mga pasyente na nakikipag-sex sa hanay ng mga LGBTQ.
Dapat na ring intindihin umano na sa isang kaso lamang sa isang bansa, isa na itong outbreak o simula ng mabilis na pagkalat ng virus ng monkeypox.
O maghanda-handa na ang lahat laban sa nakamamatay na sakit na ito.
GERMANY MAGHIHIRAP VS RUSSIA
Inalisan na ng suplay ng Russia ang Germany ng natural gas, kasama ang ilang bansang nagbibigay ng suporta sa Ukraine.
Sa ngayon, nasa 50 porsyento lang ang suplay ng Germany ng natural gas para sa isang taon at pinangangambahan na rito ang pagdating taglamig sa mga buwan ng Disyembre, Enero at Pebrero.
Maaari umanong manghina o babagsak ang ekomiya ng Germany at magkakaroon ng maramihang kamatayan nito sa taglamig.
At kung manghihina o babagsak ang Germany sa paghinto ng maraming pabrika nito at negosyo, marami ang mawawalan ng trabaho at maghihirap.
Madadamay na rin umano rito ang iba pang mga bansang sumusuporta sa Ukraine sa laban nito sa Russia.
Ang Germany ang pusod at gulugod ng European Union na kung manghihina at babagsak, susunod na rin ang 26 bansang miyembro ng EU.
Tiyak na magkakaepekto ito sa atin sa Pilipinas at dapat na rin tayong maghanda laban sa napipintong krisis at isa sa maaapektuhan nang matindi ang libo-libo o milyong overseas Filipino worker sa EU.
BAHA, LINDOL, PAGHANDAAN

NAPAKAHIRAP isipin, mga Bro, ang pagdating ng mga sakuna ngayong tag-ulan.
Sa mga bansang India, China at Bangladesh, nanalasa ang mga baha at milyon-milyon katao ang tinatamaan.
Sa Banglades, may 3.1 milyon ang tinamaan ng baha habang 1.8 milyon naman sa India habang daan-daang libo naman ang dinaluhon ng baha sa China.
Ang ulan umano sa China ay katulad ng naganap noong 1961 na milyon din ang pininsala ng baha.
Sa Bangladesh at India, palahaw ng mga residente, ngayon lang sila nakararanas ng grabeng baha na maaari umano lalala pa sa mga susunod na araw.
May nabilang nang 116 patay sa dalawang bansa.
Pero hindi lang baha ang pumapatay sa mga bansang ito kundi maging ang mga kidlat na nagaganap na pumaslang na ng 49.
Sa Afghanistan, tumira naman ang napakalakas na lindol na magnitude 6.1 at may 920 nang natagpuang patay.
NAKAPANGINGINIG
Habang nag-uulat ang media at mga awtoridad sa nagaganap na mga pag-ulan at paglindol, hindi nating maiwasan ang makaramdam ng lungkot, nginig sa takot at lamig, gutom at iba pa.
Sino naman ang hindi malulungkot at matatakot sa rami ng mga patay at still counting, ‘ika nga.
‘Yang gutom at lamig habang nakababad sa tubig, anak ng tokwa, sino ang makatitiis?
Lalo na kung sa kapaligiran mo ay ang mga biktima na mismo na nalulunod at nadadapurak ng mga bakal at bato naman sa mga nagibang gusali, sa lindol naman?
Isa pang ikinalulungkot, mga Bro, ng mga biktima at kawalan ng mainom man lang na malinis na tubig.
Kapag baha na kasi at nire-rescue na ang mga mamamayan sa bubong ng kanilang mga bahay, sino ang may malinis na tubig sa pinaghalo-halong dumi ng tao at hayop, bulok na mga bagay, nakalalasong kemikal at iba sa paligid?
IBA PANG MGA PINSALA
Kung tutuusin, hindi na kailangang magtanong pa kung ano-ano ang mga napipinsala sa mga grabeng pag-ulan at pagbaha.
Patay ang lahat ng mga hayop na inaalagaan, maging ang mga pananim.
Sira rin maging ang mga pundar sa hanapbuhay gaya ng mga sasakyan, kompyuter, makinarya sa distilled water, mga panluto sa pagrerestoran, mga palengke at iba pa.
Kinakailangan pa ang mangutang para makapagsimula mula at maganda kung may mga pautang na hindi 5/6.
Ang mga nasira at naanod na bahay sa mga ilog, paano rin?
Ang mga nagiba na bahay sa lindol na ikinasira rin ng mga hanapbuhay na nadaganan, paano?
Mahihirap na bansa ang Afghanistan at Bangladesh.
Mabuti kung kaya ng pamahalaan nila ang magbuhos ng sapat na mga pondo na pang-ahon sa mga nabibiktima ng kalamidad.
MAGHANDA LAHAT
Sa tag-ulan, inaasahaan na nating ang pagdating ng mga sakuna mula sa mga bagyo, baha, landslide at iba na talaga namang mapaminsala.
Sa lindol, dumarating ito nang katulad ng pagdating ng isang magnanakaw na hindi namamalayan.
Dapat maghanda ang lahat at bahagi ng paghahanda ang pagkaroon ng mga pagsasanay at pagkakaroon ng mga imbak na pagkain, tubig, gamot, salap at iba pa.
Nakahanda ba tayo lagi, mga Bro?
TAMA LANG NA HAWAK NG PANGULO ANG DA

SA problema sa gutom at kahirapan higit na nasusukat ang kahalagahan at kredibilidad ng pamahalaan, lalo na sa mahihirap na bansa gaya ng mahal kong Pinas.
At ang maayos na paghawak sa mga ahensya ng pamahalaan na nakatayo para isulong ang pangangailangan ng sapat at masustansyang pagkain at labanan ang kahirapang kalakip nito ang isang napakahalagang usapin.
Kaya naman, tama lang ang desisyon mismo ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na pangasiwaan ang buong Department of Agriculture hanggang sa makaabot ito sa puntong kaya na ng mga pangunahing sangkot dito ang makapagproduksyon ng mga pangangailangan ng bayan sa pagkain at sa apordabol na halaga.
MAGSASAKA, MANGINGISDA, MAGNINIYOG
Kasama sa pinakamamahalagang bahagi ng ating lipunan at may kaugnayan sa pagkain ang mga magsasaka, mangingisda at magniniyog.
Hintayin nating ilatag ni Pangulong Marcos ang mga plano at programa para sa mga ito.
Pero maaari nating sabihin na may mauulit na sistema ng produksyon mula sa dating sistema na pinairal ng ama nito na si dating Pangulong Apo Ferdie.
Naririyan ang pag-oorganisa sa mga magsasaka bilang mga kooperatiba para magkaisa sa produksyon ng palay, kasama ang mais, at gumamit ng mga siyentipikong paraan sa pagtatanim.
Hindi natin malilimutan ang programang Green Revolution at Masagana 99 na umabot sa pagkakaroon ng bansa ng sapat na suplay ng bigas hanggang sa magluwas ang bansa ng bigas sa ibang bansa.
Naitayo rin ang International Rice Research Institute sa UP Los Baños para magsaliksik sa uri ng palay na mabunga at maaani sa maikling panahon.
Nagkaroon din ng Biyayang Dagat na roon may organisasyon ang mga mangingisda para magkaroon ng mga de-motor na pangisda at binuksan ang mga bangko para magbigay ng puhunan sa mga ito.
Isinulong din ang mahusay at siyentipikong pag-aalaga at pagpaparami ng isda at iba pang produktong tubig at dagat sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Ang mga magniniyog na responsable sa pagsusulong ng Pinas bilang isa sa pinakamalaking exporter ng coconut oil sa buong mundo ay naganap din nang itayo ang Philippie Coconut Authority na naglatag ng modernisasyon sa industriyang ito.
MGA DAM
Tubig ang isa sa mga pangunahing buhay ng palay at iba pang pananim at hindi natin malilimutan ang paggawa ng mga malalaking dam ni Apo Ferdie.
Naririyan ang Magat dam na kauna-unahang pinakamalaking dam sa Asya at pinakikinabangan ng Cagayan Valley at naitayo rin ang Pantabangan at Angat dam na pinakikinabangan ng Central Luzon, at Metro Manila na rin, partikular sa inuming tubig na na nanggagaling sa Angat dam.
Pare-pareho rin ang mga ito na pinanggagalingan ng murang kuryente para sa milyon-milyong mamamayan.
Kaya naman, dapat na hindi lang tayo manood kundi tumulong na rin sa gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos para sa makabagong agrikultura na nais niyang maipagpatuloy o mapundar para sa kapakinabangan ng lahat.
PBBM: MAG-FACE MASK, SUMUNOD SA HEALTH PROTOCOL
