MGA BAGONG COVID VARIANT BANTAYAN

MGA BAGONG COVID VARIANT BANTAYAN

April 7, 2022 @ 8:48 PM 3 months ago


NITONG Abril 1, 2022, ganap nang binuksan ang mahal kong Pinas sa mga turistang dayuhan, lalo na mula sa 157 bansa.

Partikular sa Boracay, may 2,533 nang pumunta at nagmula ang mga ito sa United States,  England, South Korea, Singapore, Australia, China, Germany, United Arab Emirates, Israel, Saudi   Arabia, Japan, Malaysia, South Africa, Algeria, Liberia, Morocco, Nigeria at Tunisia.

May mga balikbayan at overseas Filipino worker naman na 1,624.

Mahigit 150,000 na ang kabuuang bilang ng namasyal sa Boracay, karamihan Pinoy at nasa 80,000 ang pumunta rito nitong nakaraang Marso.

Welcome sa lahat na umuuwing Pinoy at dayuhan.

SALAPI HUWAG IPAGPALIT SA KALUSUGAN

Wala pa namang naiuulat na pagdami ng mga may coronavirus disease-19 sa bansa sa kabila ng pagdating ng mga Pinoy at dayuhan.

Ito’y dahil sa mahigpit pa ring pagpapairal ng minimum public health standard gaya ng pagsu-suot ng face mask at social distancing.

Dayuhan man o Pinoy, kinakailangan ding  mag-karoon ng minimum na doble bakuna maliban lang sa nabakunahan ng Janssen at Sputnik Lite.

Naririyan din ang rekisitos sa nanggagaling sa ibang mga bansa na kailangan nilang magpakita ng negatibong resulta sa polymerase chain reaction test o antigen test bago sila sumakay ng eroplano o barko patungo sa Pinas.

Bilyon-bilyong piso ang kita sa turismo taon-taon pero hindi pupwedeng ipagpalit ito sa kalusu-gan at buhay ng mga Pinoy na kung matamaan nang maramihan ay higit pa sa bilyon-bilyon ang halaga.

Alalahanin, lumobo sa ilang trilyong piso ang utang ng ating bansa malabanan lang ang COVID-19. Tiyak na papasanin natin lahat ito sa darating na panahon.

MGA BAGONG VARIANT

Sabi nila, huwag ikabahala ang mga bagong variant dahil hindi naman umano gaanong delikado ang mga ito at hindi katulad ng orig na virus mula sa Wuhan, China na napakarami ang pinatay sa buong mundo at Delta variant na nanalasa sa India, Indonesia at iba pa.

Bagama’t nanghihina umano ang mga bakuna laban sa mga variant, nasa 80%  naman umano ang bisa ng mga ito laban sa pagkakaospital at kamatayan.

Pero iba ang usapan sa South Korea at Hong Kong na inaatake ng mga variant.

Grabe ang nagaganap sa mga lugar na ito na may kasamang namamatay na daan-daan, lalo na sa South Korea.

Ang mga bagong variant na Omicron XE na pinagsamang Omicron BA.1 at BA.2 ay nanganak ng Omicron XE na 10 porsyentong mas nakahahawa kumpara sa nakahahawang BA.2 o stealth variant.

Hindi pa gaanong nalalaman kung ano ibubunga nito sa kalusugan at buhay ng tao pero may mga babala dahil ito ang pinakamabilis na manghawa.

Nitong huling mga araw, may bagong virus  na natagpuan sa Dalian City, China at sinasabing kakaiba sa lahat ng virus ng COVID-19.

Hindi kaya isa ito sa mga dahilan ng pananalasa ng pandemya sa China ngayon?

Ang mabuti pa, magpabakuna lahat, magpa-booster shot, sumunod sa lahat ng health protocol at huwag magpakampante para na rin sa kaligtasan nating lahat.

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 0921-4303333.