Mga bahay ni Rep. Teves, ni-raid!

Mga bahay ni Rep. Teves, ni-raid!

March 10, 2023 @ 10:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines-  Sinalakay ng mga pulis nitong Biyernes ang mga bahay na pagmamay-ari ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. para maghalughog ng loose firearms, ayon sa ulat.

Isinagawa ang raid ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police.

Kinumpirma ito ni Interior Secretary Benhur Abalos, at sinabing saklaw ng search warrant covered ang limang tahanan bagama’t hindi lahat ito ay pagmamay-ari ni Teves.

“Ilan lang diyan ang bahay ni Teves,” sabi ni Abalos.

Nang tanungin kung ang tinutukoy niya ay si Arnolfo Teves, tugon ni Abalos, “Gan’un na nga.”

Inakusahan ni Abalos si Teves na mayroon itong mga armas na may “spurious documents.” 

Sa hiwalay na panayam, kinumpira rin ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Teves, ang raid subalit sinabing hindi pa niya nakikita ang search warrant. 

“Hindi pa klaro sa amin kung sino ang hinahanap nila o kung ano ang hinahanap nila,” aniya.

Sinabi ni Topacio na hindi na nakagugulat ang raid dahil nakatanggap sila ng “intel” ilang buwan na ang nakalilipas na sasalakayin ng mga pulis ang bahay ni Teves.

“Ikinalulungkot ko, nung dumating yung raiding party may naka-standby po dun na mga tao, mga occupants ay pinalabas po lahat. Pati abugado pinalabas at ayaw papasukin.”

“Itong raid na ‘to na-predict na namin ito. Almost three months I think noong nag-press conference kami ni Congressman Arnie Teves dito sa Valle Verde Country Club, na intel po sa amin na talagang ire-raid itong mga bahay,” pahayag ni Topacio.

Noong Enero, inakusahan ni Teves si Abalos na nais ni Abalos makakuha ng search warrant sa kanyang tirahan at magtanim ng ebeidensya laban sa kanya.

Tinawag namang ‘preposterous’ ni Abalos ang mga akusasyon.

Sinabi ni Topacio na sinusubukan nilang tawagan si Teves, na nasa United States, upang ipagbigay-alam sa kanya ang raid. RNT/SA