Mga bahay, simbahan sa Abra, Ilocos napuruhan ng lindol

Mga bahay, simbahan sa Abra, Ilocos napuruhan ng lindol

October 26, 2022 @ 7:26 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagtamo ng pinsala sa mga tirahan at simbahan ang nangyaring magnitude 6.4 na lindol na tumama sa Abra nitong Martes ng gabi, Oktubre 25.

Sa ulat, hindi nakaligtas ang Iglesia Filipina Independiente church sa La Paz, Abra kung saan gumuho ang ilang bahagi ng simbahan katulad ng pader at kisame nito.

May mga tirahan din na napinsala katulad na lamang ng isang bahay sa Dingras, Ilocos Norte na nagkabasag-basag pa ang mga gamit sa loob ng isang bahay kabilang ang mga ceramic items.

Inanunsyo naman ng Bureau of Fire Protection – Batac, Ilocos Norte na pansamantala munang hindi madadaanan ang Ben-Agan Bridge dahil sa tinamong pinsala nito dulot ng lindol.

Dagdag pa, ang Batac-Banna Road ay hindi na rin madaanan ng mga motorista dahil sa pagguho ng lupa.

Samantala, rumesponde din ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Ilocos Sur sa insidente ng mga estudyanteng nasaktan sa isang dormitoryo ng University of Northern Philippines sa nangyaring lindol.

Naka-alerto naman ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa mas marami pang maitatalang pinsala dulot nito. RNT/JGC