Balete sa Palasyo, inihian; mga balahurang parak, parurusahan

Balete sa Palasyo, inihian; mga balahurang parak, parurusahan

August 10, 2018 @ 12:41 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Galit din ang ilang mambabatas sa inasal ng ilang pulis na umihi sa puno ng balete sa Malacanang na malinaw na pagpapakita ng kawalang modo.

Ayon kay House Dangerous Drugs Committee Chairman Robert Ace Barbers deklaradong national heritage ang Balete Tree sa loob ng Malacanang kaya dobleng inis ang kanyang nararamdaman sa inasal ng mga pulis na hindi man lamang naghanap ng banyo para umihi.

Hindi rin umano ginalang ang tanggapan ng Malacanang.

Ani Barbers dapat matukoy at maparusahan ang pulis na gumawa ng kahiya kahiyang akto na ito.

Tinuring naman ni Marikina Rep Miro Quimbo na insulto pa sa mga aso ang inasal ng mga pulis na umihi sa balete tree, aniya, mas maganda pa ang ugali ng askal na kapag tinuruan ay alam kung saan lamang dapat iihi na ‘di gaya ng mga pulis na nasabon na mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay balik muli sa dating gawi.

Una nang sinabi ni NCRPO Chief Gen Guillermo Eleazar na kanila nang iniimbestigahan ang pangyayari at ihahanda ang kaso laban sa mga pulis na makukumpirmang nambastos sa Malacanang Palace. Gail Mendoza