MGA BANSANG DINARAYO NG MGA PILIPINO

MGA BANSANG DINARAYO NG MGA PILIPINO

November 7, 2022 @ 1:05 AM 1 month ago


BATAY sa datos ng Department of Tourism (DOT), nasa 1.32 million dayuhan na ang bumisita sa bansa mula January hanggang August 2022 para magbakasyon at makapamasyal sa magagandang tanawin.

Hindi maikakaila na bukod sa pamamasyal sa mga lugar sa Pilipinas, dumarami na rin ang mga Pilipino na bumibiyahe sa ibang bansa. Anu-ano kaya ang mga bansang nangunguna sa bucket list ng ating mga kababayan.

Ayon sa travel platform na Klook, pangunahing destinasyon ng mga Pilipino ang mga bansang Singapore, South Korea, Thailand at Japan.

Nangunguna umano ang Singapore sa kasalukuyan dahil sa kokonting travel restrictions na ipinatutupad nito kaugnay ng coronavirus disease 2019, at dahil na rin sa maraming maaaring pasyalan, maraming tour packages, at hotels na pagpipilian.

Habang sa Thailand naman ay bentahe nila ang kanilang street food na dinarayo ng mga Pilipino.

Pero muling humahabol ang Japan dahil sa pagpapatupad nito ng visa-free requirement para sa mga Pilipino. Dumarami ang nagtutungo sa Tokyo, Osaka, Kyoto, at Hokkaido Prefecture. Ito ang dating nangungunang destinasyon ng mga Pilipino bago tumama ang pandemya.

Bagamat nananatiling mahigpit ang COVID-19 protocols sa South Korea, maraming Pilipino parin ang pumupunta dito dahil na rin sa K-fever at katanyagan ng mga K-drama sa bansa.

Nais ng maraming Pilipino na marating ang Tokyo Disneyland gayundin ang Nami island sa South Korea kung saan ginawa ang lokasyon ng mga kilalang K-drama na “Winter Sonata”, “Hi Bye, Mama!”, “When My Love Blooms” at iba pa.

Kabilang pa sa mga binibisita ng mga Pilipino ang Bali, Indonesia; Kuala lumpur, Malaysia; Israel para sa Holy Land trip; at Vietnam.

                                                                    -ooOoo-

 

DIGITAL ECONOMY NG PILIPINAS LALO PANG LUMALAGO 

SA datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), lumabas na tumaas ng 8% nitong 2021 ang digital economy ng bansa sa kabila ng pagpapatuloy ng coronavirus disease 2019 pandemic, na umabot sa P1.87 trillion kumpara sa P1.73 trillion naitala noong taong 2020.

Ang digital economy ay binubuo ng mga transaksyon na gumagamit ng digital enabling infrastructure, e-commerce at digital media o content. Nasa 9.6% ang kontribusyon nito sa taunang gross domestic product (GDP) ng bansa.

Kabilang sa digital-enabling infrastructures ang telecommunication services at professional and business services na siyang may pinakamalaking kinita na P1.49 trillion o 79.6% ng kabuuang digital economy earnings. May pagtaas ito ng 7.6% kumpara sa kinita noong 2020 na P1.38 trillion.

Sumunod ang e-commerce na may bahaging 17.6% o P329.68 billion noong nakaraang taon, mas mataas ng 8.2% kaysa sa P304.72 billion lamang noong 2020.

Habang ang digital media/content ay nasa 2.8% o P51.47 billion na may pagtaas ng 10.3% mula sa P46.66 billion noong 2020.

Nasa 5.59 million ang direktang may trabaho sa digital economy na may pagtaas ng 11.6% kumpara sa 5.01 million noong 2020.

Inaasahan pang higit na lalago ang digital economy ng bansa sa pagbilis ng internet service sa bansa.