Mga barangay na walang brgy. hall tutulungan ng Manila LGU

Mga barangay na walang brgy. hall tutulungan ng Manila LGU

November 23, 2022 @ 8:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sa muling pakikipag-ugnayan nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa taumbayan sa ilalim ng programang “Kalinga sa Maynila” nitong Miyerkules ng umaga, Nobyembre 23 isa sa mga idinulog na problema ng Punong Barangay sa Sta. Mesa ay ang kawalan ng mga barangay hall.

Ayon kay Chairman Rulyn Abueva Rosabal ng Barangay 588 Zone 58, Pagkakaisa, Sta Mesa, nahihirapan silang makapagbigay ng mabilis at maayos na serbisyo bunga ng kawalan ng barangay hall na magsisilbing kanilang tanggapan na lugar na mapaglalagyan nila ng mga kagamitan na kinakailangan ng isang barangay at pagpupulungan ng Sangguniang Barangay.

“Hindi po namin magawang magtayo ng barangay hall sa mismong kalsada o bangketa dahil magiging sagabal ito sa daloy ng trapiko at mga pedestrians,” ani Chairman Rosabal kay Mayor Lacuna-Pangan.

Ayon kay Rosabal, sa kanyang garahe at tolda sa bangketa ang nagsisilbi nilang pansamantalang tanggapan na hindi aniya angkop para maging mabilis at maayos ang kanilang serbisyo sa mamamayan.

Bilang tugon, sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na problema talaga ng maraming Punong Barangay sa Maynila ang kawalan ng barangay hall dahil ang lungsod ang may pinakamaraming bilang ng barangay sa Kamaynilaan subalit wala namang bakanteng lote na mapagtatayuan nito.

“Kung gusto po ninyo, tulungan din ninyo kaming maghanap ng bakanteng lote sa inyong lugar na puwedeng pagtayuan ng barangay hall at kami na po ni Congressman Benny Abante ang sasagot sa mga gastusin para sa pagtatayo nito,” pakiusap pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan kay Chairman Rosabal.

Magugunita na ganito rin ang naging problema ng isang Kabesa ng barangay sa District 2 sa Tondo bagama’t nang makakita ng bakanteng lote, sinagot kaagad ni Congressman Rolan Valeriano ang pagpapatayo sa tatlong palapag na barangay hall. JAY Reyes