Mga batang may sakit na dengue, inilipad mula Batanes

Mga batang may sakit na dengue, inilipad mula Batanes

July 7, 2018 @ 3:31 PM 4 years ago


Batanes – Inilipad ng Philippine Air Force (PAF) mula Batanes sa isinagawang Air Medical Evacuation (MedEvac) ang mga batang may sakit na dengue sa tulong ng Northern Luzon Command o Nolcom para mailipat sa mas nararapat na kalinga.

Ang mabilis na askiyon ng AFP ay kasunod ng ipinarating na kahilingan ni Batanes Governor Marilou Cayco na ayon sa opisyal ay kinakailangang ilipat ang mga pasyente mula isla ng Itbayat dahil sa malalang epidemya o ng dengue outbreak na maaaring ikamatay ng marami sa kanila.

Ang isla ng Itbayat ay nasa bahagi ng kasuluksulukang hilaga ng Batanes na literal na hindi maabot ng kabihasnan.

Ang naturang lugar ay siyang pinakaapektado ngayon ng dengue na may 23 kaso at karamihan sa mga pasyente ay mga bata base sa kanilang record nitong July 4, 2018.

Tatlo umano sa mga ito ay nasa kritikal na kondisyon bunsod ng mababang platelet count at nasa labis na pangangailangan ng atensyong medikal at agarang paglikas.

PHOTO: AFP-NOLCOM

PHOTO: AFP-NOLCOM

Ayon kay NolCom Chief Col. Isagani Nato, ang ospital ng Itbayat na kaisa isa sa lugar ay walang sapat na kagamitan para gamutin ang isang pasyente ng dengue at tanging ang bangka lamang ang siyang uri ng transportasyon para magamit sa paglikas sa mga pasyente patungong isla ng Batan sa Basco.

Subalit dahil sa masamang panahon ay nagiging magaspang ang karagatan na siyang labis na nagpapalala sa kondisyon ng mga pasyente.

Dalawang doktor ang lumipad mula Basco patungong Itbayat para tumulong na hindi kumalat ang epidemya sa munisipalidad ng isla.

Sa ilalim ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) Operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gamit ang PAF-C295 plane ay inilipad ang mga batang pasyente sa Basco Provincial Hospital at doon kasalukuyang isinasailalim sa masusing gamutan.

Sa kabila nito bago pa man ilipad ang isang bata mula Itbayat ay nasawi na ito dahil sa lumalang sakit. (Jeff Gallos)