MGA BAWAL NA PWEDENG MATINGNAN AT MAPAYAGAN

MGA BAWAL NA PWEDENG MATINGNAN AT MAPAYAGAN

July 14, 2018 @ 10:51 AM 5 years ago


Maraming reaksyon na natanggap ang kolumn natin tungkol sa: “regulasyon dapat sa transportasyon at hindi puro bawal na lang.”

Ang sinasabi nga natin, ang ilan sa mga sinasabing “bawal” ay pwedeng sabihin na praktikal naman at maari sigurong pag-isipan at ikonsidera na mapayagan.

Ang limited out of line ng mga pampublikong sasakyan na lang.

Sa ilalim ng JAO ang pagiging out of line ng isang may prangkisa ay itinuturing nang kolorum at pinapatawan ng kaparusahang angkop sa paglabag dahil walang prangkisa ang sasakyan.

Halimbawa ang isang jeep na ang prangkisa ay byaheng Cavite tapos bumibyahe sa Cubao, out of line siya at kolorum. Pero may ibang klaseng out of line na marahil ay pwedeng payagan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mananakay.

Halimbawa kung ang garahe ng isang bus ay nasa lugar kung saan tatakbo pa ang mga unit nito para makarating sa ligal na ruta at may mga madadaanan na pasahero.

Hindi pwedeng magsakay ang mga bus na ito dahil huhulihin sila na out of line dahil nga nagsasakay na samantalang wala pa sila sa ligal na linya.

Isang milyong piso at impound ang bus ang penalty nito pero pag titingnan mo bakit hindi ba pwedeng isakay ang mga pasahero na madadaanan?

Kaysa magpunta pa kung saan man ang ruta kung madadaanan naman ng nasabing bus ang ilang pasahero?

O kaya naman kung halimbawa ay uuwi na sa garahe si Manong jeepney driver sa Fairview pero ang jeep niya ay byaheng San Mateo.

Natural lang namang bibyahe siya papunta sa Fairview mula sa ruta niya at may mga madaraanan siyang pasahero.

Bakit ba hindi niya maaaring isakay ang mga pasaherong madadaanan n’ya?

Nagkataon lang na papuntang Fairview ang driver galing sa ruta ng San Mateo.

Sa taxi bawal ang “ulo-ulo.” Pero sa totoo lang pumunta ka sa mga station ng LRT at MRT na dahil sobrang haba ng pila para makasakay sa UV Express ay marami ang pumapayag na mag “ulo-ulo” o ‘yung sama-samang sasakay sa isang taxi at bawat “ulo” ang singilan dahil pare-pa-reho ang pupuntahan.

Pero ‘pag nahuli ang mga taxi na yan mamumultahan sila.

Kung ang TNVS ay may ride-sharing bakit sa taxi bawal ito.

‘Pag rush hour ay bawal na bawal mag cutting trip ang mga jeepney.

Dapat kumpletuhin nya ang byahe papunta bago bumalik kahit wala na syang pasahero samantalang sa kabilang direksyon makikitang pahirapan na pagsakay dahil kulang ang jeepney na bumibyahe.

Marami pang halimbawa na ganito na mga ipinagbabawal pero sa sitwasyon ngayon na napakahirap nang sumakay ng pampublikong sasakyan ay marahil pwedeng pag-aralan at payagan ang ilang bawal.

Sigurado maraming tutol na mga enforcement agencies dito dahil bawas huli sila.

Pero dagdag ginhawa naman sa mananakay.

Public demand for transportation should be paramount.

Pero pwede rin maabuso kaya dapat talaga na malinaw ang mga ipatutupad na regulasyon at matindi ang pagpapatupad sa mga ito.

Pero sa ngayon sundin muna natin kung ano ang mga panuntunan – pwede ang pwede at bawal ang bawal.

Marahil ay darating ang panahon na mapapagaralan at maikokonsidera ang maraming regulasyon na kapag pinayagan na ay magbibigay ginhawa sa mga pasahero at mga drivers na rin. – SIBOL NI INTON