Mga bawal sa mismong halalan, ipinaalala ng Comelec

Mga bawal sa mismong halalan, ipinaalala ng Comelec

May 5, 2022 @ 7:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi inirerekomenda ng Commission on Elections (Comelec) sa mga botante na magsuot ng t-shirt o paraphernalia na may mukha o pangalan ng mga kandidato at polling precincts sa araw ng halalan.

“Di po tayo magdidikta at hindi natin ipo-prohibit ang isang botante na nakasuot ng kulay ng isang kandidato… pero iwasan po natin magsuot ng mga damit na merong mukha ng kandidato,” sabi ni Comelec commissioner George Garcia.

Paalala ni Garcia, bawal na ang pangangampanya sa May 9.

Sinabi ni Garcia na ang mga tagapagmasid sa halalan ay maaaring sitahin ang mga botante na magsusuot ng mga campaign materials sa loob ng mga polling precinct.

“Kapag po kayo nagsuot ng face mask na may mukha ng kandidato, baller o damit na may mukha ng kandidato, ‘yan po ay siguradong sigurado ako io-object ng mismong watcher sa loob ng polling precinct,” dagdag pa ni Garcia

Ayon pa kay Garcia, ang sample ballots ay hindi dapat ipinamamahagi sa presinto.

“Bawal na bawal po ang pamimigay ng sample ballots. Unfortunately, despite the efforts of the commission, even in the past ang pinamimigay kasi mga bata. ‘Di mo puwede arestuhin yung bata,” paalala ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden