Mga beking kinulong ni Hitler at iba pa binayaran ng Germany

Mga beking kinulong ni Hitler at iba pa binayaran ng Germany

September 15, 2021 @ 7:56 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

Germany – BINIGYAN ng kompensasyon o kabayaran ng pamahalaang Germany kamakalawa ang daan-daang beki o baklang pinag-aaresto at pinakulong ni yumaong Nazi leader Adolf Hitler.

Ayon sa Federal Office of Justice (FOJ), umabot sa 249 bakla ang binigyang-compensasyon mula sa libo-libong naaresto at nakulong makaraang ituring silang kriminal ng isang batas na umiiral na bago pa man dumating si Hitler na lalong nagpahigpit nito.

Dagdag-paliwanag ng FOJ, nasa 68,300 ang napatunayang nagkasala sa kabaklaan sa taong 1949 hanggang 1969 dahil naging tuloy-tuloy ang pagpapairal ng batas sa East at West Germany kahit natapos na ang panahon ni Hitler noong Abril 30, 1945.

Umabot ang halaga ng kompensasyon sa nasa 860,000 euro o mahigit $1 milyon para sa nasabing mga biktima na naging kwalipikado na tumanggap ng kabayaran.

Binubuo ang kompensasyon ng 3,000 euro sa bawat pagkakasala at dagdag na 1,500 para sa bawat taong pagkakakulong.

Nabigyan naman ng 500 euro ang bawat naimbestigahan lamang, 1,500 sa bawat taon ng pagkadetine at 1,500 euro para sa iba pang mga bayarin sa “professional, financial at health disadvantages.”

Sa Hulyo 21, 2022 matatapos ang panahon ng pag-claim ng kompensasyon.

Binuwag o na-decriminalize lamang ang batas noong 1968 sa East Germany at sa West Grmany noong 1969 at noong taong 2000, nag-sorry ang pamahalaan sa pagpapatuloy, lalo na ang paragraph 175 nito na nagdeklarang kriminal ang pagiging bakla.

Makaraan ang dalawang taon mula 2000, pinawalang-sala ang mga na-convict noong panahon ni Hitler ngunit hindi ang mga na-convict mula 1949 hanggang 1968 at 1969.

Noong 2017, pinawalang-sala ang lahat ng itinuring na nagkasalang bakla kalakip ng nabanggit nang kompensasyon at nitong 2019, kinilala rin ang karapatang mabayaran ang mga dinetine at inimbestigahan lamang. Fred Cabalbag


  •  
  •  
  •