Mga benepisyo ng sinibak na hukom sa pork barrel scam, ibinalik

Mga benepisyo ng sinibak na hukom sa pork barrel scam, ibinalik

July 7, 2021 @ 3:39 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pinagkalooban ng Judicial clemency si dating Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong na unang sinibak sa serbisyo noong 2014 dahil sa pagkakaugnay sa negosyante at sinasabing mastermind sa PDAF scam na si Janet Lim Napoles.

Sa desisyon ng Korte Suprema, ipinagutos na maibalik ang retirement benefits at ang full pension ng dating mahistrado.

Ito ay matapos paboran ng bahagya ng Supreme Court ang inihaing judicial clemency ni Ong.

Inalis na rin ng SC ang ipinataw na disqualification kay Ong sa posibleng pagtrabaho muli sa alinmang tanggapan o posisyon sa pamahalaan.

Sa ruling noon ng SC, ipinawalang bisa ang lahat ng retirement benefits ni Ong maliban sa kanyang leave credit at hindi na rin siya maaring magtrabaho sa alinmang ahensya ng gobyerno kabilang na ang mga government owned and controlled corporations.

Si Ong ay pinagbigyan ng SC bunsod ng problema nito sa kalusugan.

Ayon sa SC, bumalik ang prostate cancer ni Ong at kinakailangan sumailalim sa operasyon at chemotherapy.

Batay din anila kay Ong, nahihirapan ito sa medikal at pinansiyal na kalagayan kaya kung papayagan ito na muling makapagtrabaho sa gobyerno ay magagamit nito ang kanyang nalalabing taon para makapagsilbi sa publiko at ma-redeem ang kanyang sarili.

Pinayunayan din ni Ong na nagsisisi ito sa kanyang mga maling gawa at patuloy na nagrereporma sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng legal service sa mga nangangailangan. Teresa Tavares