Mga berdeng kaisipan

Mga berdeng kaisipan

July 9, 2018 @ 7:10 AM 4 years ago


 

Wait lang, teka muna, bago niyo isipin na baka may kabastusan ang column kong ito, nagkakamali kayo! Ibang klaseng pagiging “green-minded” ang tema ko ngayon.

Pag-usapan natin ang tungkol sa kalikasan, tungkol sa mother nature natin.

Ang tungkol sa mga likas na yaman natin at ang mga ginagawa ng ating gobyerno, para pangalagaan, pag-yamanin at gamitin ang mga ito nang tama.

Ito ang “green-mind” na gusto ko.

Nito lang kasing July 4, 2018, nagdiwang ang Department of Environment and Natural Resources o DENR ng kanilang ika-31st anniversary.

Naitaguyod ang DENR pagkatapos ng People Po­wer noong 1986 at bahagi ito ng re-organisayon ng gobyerno.

Mahalaga ang responsibilidad ng DENR at makapangyarihan ang namumunong Kalihim (Secretary) nito.

Isipin n’yo naman, halos lahat ng usapin sa lupa, tubig at hangin ay nasa poder nila.

Idagdag n’yo pa ang kahayupan o lahat ng hayop, puno, insekto, isda at halaman sa buong bansa.

Isama n’yo na rin ang lahat ng nasa ilalim n glupa (mineral) at ilalim ng dagat (corals at mga yamang dagat).  Kasali pa rin dito ang mga bato at beach at kabundukan!

Aba, bilang ina, alam ko na mahalaga ang kalikasan.  Mother Nature nga, ‘di ba?

Kasinghalaga ng isang ina sa pamilya ang kalikasan.

Maniwala man kayo  o hindi, halos lahat ng batas para mabuhay tayong maayos ay kasama sa mga dapat na ipatupad ng DENR.

Nandyan ang malinis na hangin (Clean Air Act), malinis na tubig (Clean Water Act) at basura (Solid Waste Management).

Nagbabagong panahon (Climate Change Act), mga paghahanda sa kalamidad o disaster (Disaster Risk Reduction Law), kagubatan (Forestry Code), pagmi­mina (Mining Act)  at iba pa.

Ibinida ni DENR Sec. Roy Cimatu ang mga maga­gandang resulta ng mga proyekto ng DENR.

Siyempre, una sa lahat ang paglilinis sa Boracay.

I agree, kinailangan talagang ipasara ang Boracay sa sobran g dumi na nito.

Makalipas ang dalawang buwan – hindi na raw “cesspool” ang Boracay at baka nga pwede na uli itong magbukas sa October, ayon kay Cimatu.

Sunod ang matagumpay na National Greening Program.  Balak ng DENR na taniman ng mga puno ang halos 7 milyong ektaryang lupain natin.

Noong 2016, naka-1.7 milyong ektarya na raw sila.  Sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, balak nilang mag-tanim sa 1.2 milyong ektarya bawat taon, hanggang sa 2022.

Natuwa naman si Pres. Digong sa accomplishments na ito. Pero nang tanungin ng mga reporter kung ano na ang plano sa mga minahan, direcho ang sagot ni Presidente – “ipagbabawal ko nang tuluyan ang open-pit mining.” Dahil nakasisira raw ng kalikasan ang pagmimina.

Sinabi naman ni Sec. Cimatu na kailangan nang baguhin ang pagmimina sa PIlipinas. ‘Ika niya, “i-reinvent” daw ang pagmimina, dahil ayaw nga ni Pang. Duterte sa open-pit mining.

Dasal ko na sana nga ay maituloy ng DENR ang tamang pagpapatupad ng ating environmental laws o batas-pangkalikasan.

Bilang ina, gusto kong maranasan ng aking mga anak at mga magiging apo ko ang isang berde at magandang Pilipinas.

Kaya dapat, isip-berde tayong lahat! GO GREEN!

-ALIN ANG NAIBA