MGA BERDENG PAG-IISIP

MGA BERDENG PAG-IISIP

October 10, 2022 @ 3:36 PM 2 months ago


IKINUWENTO ng isang bubwit sa akin na matagumpay na naidaos ang isang malakihang komperensya para sa kalikasan sa Diamond Hotel sa Maynila noong Oct. 5-7, 2022.

Kakaiba raw ito dahil ito lang ang unang beses na tinipon ng Kagawaran ng Kalikasan at Likas-Yaman o Department of Environment and Natural resources o DENR, ang mga kapitan ng industriya, ang mga kilalang environmental groups at mga akademiko.

Medyo naging matunog din daw ang komperensyang ito, dahil si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. mismo ang nagbigay ng Key Note Address sa komperensya, na dinaluhan ng mahigit na 300 kalahok.

Mga totoong mga kapitan ng industriya ang dumalo – sina Ramon Ang, Lance Gokongwei, Hans Sy, Federico Lopez, Enrique Razon, Mariana Zobel de Ayala at si Paolo Villar.   Sila ay mga bigating negosyante na hindi maipagkakaila na napakalaki ng epekto ng mga proyekto nila sa ating kalikasan.

Nakakatuwa naman na pinangunahan ni Sec. Toni Yulo-Loyzaga ang pagtitipong ito.   Mabuti na lang at umaarangkada nang husto at sa tamang direksyon ang DENR ngayon.   Sa totoo lang, naging malamya at halos hindi nararamdaman ang DENR nitong mga nakaraang taon, pwera na lang sa usaping ng paglilinis ng Boracay at ang Dolomite beach sa Manila Bay.

Katatapos lang ng dagok ni Super Typhoon “Karding” sa bansa, at namulat na naman tayo sa mapait na katotohanan nang nagbabagong klima o climate change.

Halos lahat daw nang nagsalita sa komperensya ng DENR ay inamin at nag-commit na tutugon sila sa hamon ng climate change. Anila, ang pangangalaga sa kalikasan ay mabuti para sa negosyo.

Hiling ko na maipagpatuloy ni Loyzada  ang kanyang nasimulan sa DENR.  Kailangan talaga ang isang DENR Secretary na matibay ang sandigan sa siyensya at ginagamit ang mga tamang ebidensya sa pagdedesisyon tungkol sa pangangalaga ng kalikasan at wastong gamit ng likas-yaman.

Kailangan natin nang mas maraming mga opisyal na totoong maka-berde kung mag-isip.

Bago ko makalimutan, gustong magbigay-pugay sa lahat ng mga katutubo, sa pagdiriwang ng “Buwan ng Katutubo” .   Mas mahabang kwentuhan tungkol dito, sa susunod kong kolum.