MGA BIKOLANO KINAKALINGA NI PBBM

MGA BIKOLANO KINAKALINGA NI PBBM

March 15, 2023 @ 12:23 AM 2 weeks ago


PINANININDIGAN  ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang ipinangakong sama-samang babangon muli mula sa pagkalugmok ang lahat ng mga kababayang tinamaan ng krisis dulot ng hagupit ng pandemya.

Kabilang sa nakatakdang bisitahin ng Pangulo sa mga darating na araw ay ang Camarines Sur upang pangunahan ang serbisyo caravan para sa mga tagaroon kung saan mamimigay siya ng ayuda katuwang ang mga lider ng lokal na pamahalaan at iba’t-ibang sangay ng gobyerno nasyunal dito.

Tinatayang aabot sa 6,000 magsasaka at mangingisda ang bibigyan ng financial assistance at pagkain ng Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, Provincial Local Government Unit- Camarines Sur at iba pang ahensya upang maibsan ang naranasang krisis dulot nang sunod-sunod na pagbaha at sama ng panahon noong nakalipas na mga buwan na sadyang  nagpahirap sa kanila.

Pasisinayaan din ni PBBM ang kauna-unahang Kadiwa store sa Kabikolan para naman buksan ang animo’y tiangge na nagtitinda ng sariwa at murang produkto ng gulay at iba pang gawa sa Bikol na mga panindang abot-kaya naman sa bulsa ng mga tagaroon na una nang namayagpag noong kapanahunan ni Apong Ferdie, ama ni PBBM.

Bago ito,inilunsad din ng Pangulo ang programa ng Kadiwa sa Cebu City may dalawang linggo pa lang ang nakaraan kung saan tinangkilik naman ng Kabisayaan bunsod sa natugunan ang nararanasang mahal na presyo ng bilihin dulot ng mataas na inflation rate.

Batid at nauunawaan  ni Presidente Marcos ang kasalukuyang kalagayan ng mga Bikolano na kailangang tulungan ng kanyang administrasyon upang unti-unting makasabay ito sa tuluyang pag-angat ng bansa.

Isinantabi ng Pangulo ang resulta noong nakaraang halalan kung saan natalo siya sa mga lalawigan ng Bikolanang katunggali.

Sa madaling sabi,walang puwang kay PBBM ang politika lalo na sa panahon ngayon kung saan kasama ang lahat ng sektor at rehiyon sa nabibiyayaan ng ipinatutupad na mga programa ng pamahalaan upang matuldukan na ang kahirapan sa bansa at makabangon muli ang mga kababayan.