Mga biktima ng lindol sa Rehiyon I, CAR, nakatanggap ng tulong mula sa NHA

Mga biktima ng lindol sa Rehiyon I, CAR, nakatanggap ng tulong mula sa NHA

August 11, 2022 @ 5:12 PM 1 month ago


Manila, Philippines-Umabot sa 27 libong pamilya na biktima ng 7.3 magnitude na lindol noong Hulyo 27 ang naging benepisyaryo ng ipinamahaging P270 milyong tulong pinansiyal ngayong araw (Agosto 11) ng National Housing Authority sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program.

Ayon kay NHA General Manager Jeoben Tai, na personal na pinangunahan ang pamamahagi ng nasabing tulong sa mga nasalanta ng lindol sa Abra at Ilocos Sur, nasa 388 pamilya na nawalan ng tahanan ang nakatanggap ng tig-P20,000 halaga habang mayroon namang 26,280 pamilya na bahagyang nasiraan ng kabahayan ang benepisyaryo ng tig-P10,000 tulong pinansiyal.

“Isa sa mga mahahalagang pangangailangan ng ating mga kababayang Pilipino ay ang pagkakaroon ng tirahan, kaya naman ang pagkakaloob sa kanila ng EHAP ay magbibigay ng pag-asa para makapagsimulang muli at mapagaan ang kanilang mga pasanin,” ani GM Tai.

Dagdag pa ng NHA General Manager, ito ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tulungan ang mga pamilyang lubhang naapektuhan ng lindol.

Dumaan naman ang mga benepisyaryo sa masusing inspeksyon at balidasyon ng mga opisina ng NHA sa rehiyon sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, partikular na ng mga lokal na opisina ng Social Welfare and Development.

Samantala, umaasa ang NHA na magagamit ng mga benepisyaryo ng EHAP ang tulong na kanilang natanggap para makapagsimulang muli at makapagtayo ng komportableng tirahan.

Nangako rin ang ahensya na patuloy itong susuporta sa iba pang mga kababayan na nangangailangan din lalo na sa usaping pabahay. RNT