Mga biktima ng sunog sa QC inayudahan: Bong Go, pag-asa sa gitna ng krisis

Mga biktima ng sunog sa QC inayudahan: Bong Go, pag-asa sa gitna ng krisis

February 22, 2022 @ 3:25 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Patuloy na tinutupad ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangako niyang magbibigay ng pag-asa, tulong o suporta sa mga Filipino, lalo sa mga nahaharap sa krisis na dulot ng trahedya, kalamidad at pandemya upang sila ay makalaban at makabangon.

Kamakailan, noong Pebrero 18, nagtungo ang outreach team ni Senator Go sa Barangay Paligsahan, Quezon City upang magbigay ng tulong sa 154 mga biktima ng sunog para matugunan ang kanilang mga agarang pangangailangan, kabilang ang tulong pinansyal at grocery packs.

Bukod sa nabanggit na tulong, namahagi rin ang grupo ni Go ng mga pagkain at mask saka nagbigay sa mga piling indibidwal ng mga bagong sapatos, bisikleta at computer tablet sa Manuel Roxas High School Covered Court.

Bilang karagdagan, nagbigay naman ng hiwalay na tulong pinansiyal ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development bilang bahagi ng mga hakbang na ayuda ng gobyerno sa mga indibidwal na apektado ng mga sitwasyon ng krisis.

“Pang-ilang beses na po kaming nakabalik para sa mga nasunugan diyan sa Quezon City.  Huwag kayong mag-alala.  Magtutulungan tayo dito upang malabanan natin itong krisis na ating kinakaharap,” sabi ni Go sa kanyang video message.

“Narito ang gobyerno, narito kami ni Pangulong Rodrigo Duterte.  Kung ano ang puwede naming maitulong, magsabi lang kayo at gagawin namin ang lahat para magserbisyo sa inyo,” aniya.

Upang matiyak ang ganap na pagrekober ng mga biktima, nag-alok din ang senador tulong sa mga nangangailangan ng pangangalagang medikal.

Hinimok niya ang mga ito na magtungo sa alinmang 31 Malasakit Centers sa Metro Manila kung saan maaari silang maginhawang makakuha ng tulong medikal na inaalok ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes.

Si Go ang principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 149 Malasakit Center sa buong bansa.

Sa Quezon City, ang Malasakit Centers ay matatagpuan sa Lung Center of the Philippines, Novaliches District Hospital, Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, East Avenue Medical Center, Veterans Memorial Medical Center, Philippine Orthopedic Center, National  Children’s Hospital, Philippine National Police General Hospital, at Quirino Memorial Medical Center.

“Basta, ‘wag kayong mag-atubili na lumapit sa amin.  Huwag din kayong magpasalamat sa amin dahil trabaho naman namin ito ni Pangulong Duterte.  Kami ang nagpapasalamat sa inyo dahil binigyan niyo kami ng pagkakataon para makapagserbisyo sa taumbayan.  Ibabalik namin sa inyo ang serbisyong dapat sa inyo,” ang sabi ng senador.

Kinilala at pinasalamatan ng senador ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Paligsahan Punong Barangay Cecilia Tiamzon sa walang sawang paglilingkod sa kanilang mga komunidad sa gitna ng mga hamon na dulot ng pandemya.

Tiniyak niya na ang mga serbisyo sa proteksyon ng sunog sa bansa ay higit pang pag-iibayuhin sa ilalim ng Republic Act No. 11589. Ang batas ay nagtatakda para sa modernisasyon ng Bureau of Fire Protection, na pagpapabuti ng mga kakayahan nito upang mas maging mahusay pa ang pagresponde sa mga insidente ng sunog. RNT