Mga binagyo sa Iloilo inayudahan ni Bong Go

Mga binagyo sa Iloilo inayudahan ni Bong Go

March 14, 2023 @ 1:13 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – NAGPAPATULOY sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong nangangailangan, partikular sa mga apektado ng kalamidad, personal na hinatiran ng tulong ni Senator Christopher “Bong” Go para makarekober ang mga biktima ng nakaraang Bagyong Paeng sa Passi City, Iloilo.

“Huwag po kayong magpasalamat sa amin, trabaho namin ‘yan. Kami po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po kami ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo,” ani Go sa kanyang mensahe.

Idinaos sa Passi 1 Central School Covered Court sa Barangay Poblacion Ilawod, umaabot 1,355 apektadong residente ang binigyan ng grocery packs, bitamina, mask, meryenda, at kamiseta. Nagbigay din sila ng mga cellular phone, sapatos, bola para sa basketball at volleyball, payong, relo at bisikleta sa mga piling indibidwal.

Ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ay nagbigay naman ng tulong pinansyal sa bawat benepisyaryo.

Sinabi ni Go na patuloy niyang isinusulong ang Senate Bill No. 188 na layong itatag ang Department of Disaster Resilience. Ang departamento na may cabinet-secretary level ang titiyak sa paghahanda laban sa mga kalamidad.

“Dapat maging mas proactive tayo at ipasa na ito (DDR) sa lalong madaling panahon dahil madalas pong tamaan ng bagyo, lindol at iba pang kalamidad ang ating bansa. Kailangan nating i-scale up ang preparedness and resiliency against disasters,” ani Go.

Ang pagtatatag ng DDR ay sisiguro sa mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa anumang krisis o kalamidad. Makakatulong din ito na maibsan ang negatibong epekto ng mga kalamidad at mas mabilis na makababangon ang mga apektadong komunidad.

Inihain din ni Go ang SBN 1181 na siyang magtatakda ng mga pamantayan at benchmark upang ang mga gusali at istruktura ay tiyak ang katatagan at integridad sa panahon ng mga sakuna. Napakahalaga ng panukalang batas na ito, lalo sa bansang tulad ng Pilipinas, kung saan ang mga lindol at bagyo ay nakapagdudulot ng malawak na pinsala sa mga gusali at imprastraktura.

Sa kanya ring SBN 193, iniuutos ang pagtatatag ng mga evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan, at munisipalidad sa buong bansa. Layon nitong mabigyan ng ligtas, dedikado, at may kagamitang evacuation center ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.

Kaugnay nito, pinayuhan ng senador ang mga benepisyaryo at kanilang mga mahal sa buhay na bisitahin ang alinman sa apat na Malasakit Centers sa lalawigan kung kailangan nila ng tulong medikal.

Matatagpuan ang Malasakit Centers sa Don Jose S. Monfort Medical Center Extension Hospital sa Barotac Nuevo, Western Visayas Sanitarium at General Hospital sa Santa Barbara, West Visayas State University Medical Center at Western Visayas Medical Center, pawang sa Iloilo City.

Mayroon na ngayong 156 Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong sa mahigit pitong milyong Pilipino. Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019.

Matapos ang pamamahagi ng ayuda, nagsagawa rin ng inspeksyon si Go sa Super Health Center sa Maayon, Capiz. Tinulungan din niya ang mga naghihirap na residente sa nasabing lugar. RNT