Mga bomba, bala nadiskubre ng militar sa pinagbagsakan ng Cessna plane

Mga bomba, bala nadiskubre ng militar sa pinagbagsakan ng Cessna plane

February 27, 2023 @ 9:20 AM 1 month ago


ALBAY- Nadiskubre ng militar ang mga bomba, bala at electrical wire sa lugar kung saan bumagsak ang Cessna plane at patuloy pang hinahanap ang bangkay ng apat na sakay nito, iniulat kahapon sa probinsyang ito.

Ayon kay Philippine Army 9th Infantry Division Public Affairs Office commander Major Franco Roldan, narekober ang 8 landmine, 1,747 na mga bala, at 180 meters ng electrical wire sa may paanan ng Mayon Volcano.

Matatandaan na tinambangan at pinagbabaril-patay ng mga teroristang NPA ang dalawang sundalo na sina Privates John Paul Adalim at Mark June Esico na kasama sa retrieval operation sa bumagsak na Cessna plane.

Sinabi ni Roldan, kilala na ng militar ang sangkot sa pumaslang sa dalawang sundalo subalit hindi na muna nila ito pinangalanan.

Naniniwala rin si Roldan na humihina na ang pwersa ng NPA sa naturang lugar sa kabila ng kumpiyansang ipinapakita ng mga CTG na pumaslang ng mga kasapi ng tropa ang pamahalaan at mga inosenteng sibilyan para lamang makagawa pa ang mga ito ng pangingikil.

Dagdag pa ni Roldan na simula pumasok ang taong 2023, pitong beses nakaengkwentro ng tropa ng pamahalaan ang communist terrorist groups (CTG) sa lugar na ikinamatay ng 11 personalidad kung saan narekober ang 19 na high-powered firearms.

Samantala, nagpapatuloy naman ang ginagawang pagtulong ng 9th Infantry Division para makita ang bangkay ng apat na sakay ng Cessna plane na kinabibilangan nina Capt. Rufino James Crisostomo, Joel Martin, Simon Chipperfield, at Karthi Santhanam.

Huling nagkaroon ng kontak sa mga biktima noong Sabado bandang alas-6:46 ng umaga.

Aminado naman ang militar na hirap sila sa paghahanap sa katawan ng apat na biktima dahil masyadong malambot ang lupa at lahat ng naapakan nila ay lumulubog sila at bigla na lamang bumabagsak ang lupa. Mary Anne Sapico