Mga bumibisita sa Tagaytay patuloy sa pagdami

Mga bumibisita sa Tagaytay patuloy sa pagdami

December 12, 2021 @ 10:12 AM 10 months ago


MANILA, Philippines- Siniguro ng local government unit (LGU) ng Tagaytay City na ipinatutupad ang mahigpit na safety protocols sa mga popular na destinasyon nito, lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita sa pagsapit ng kapaskuhan.

Sinabi ni Tagaytay City Tourism Officer Jarryd Bello na halos 100 porsyento ng tourism workers sa lungsod ang bakunado na laban sa coronavirus disease (COVID-19) kabilang na ang mga nasa hotel at restaurant industries.

Habang mataas ang inoculation rate sa tourism workers sa Tagaytay, sinabi ni Bello na maingat pa rin ang LGU upang maiwasan ang pagtaas sa kaso ng COVID-19 cases sa siyudad.

“Nandiyan pa rin po ang banta ng COVID, kailangan pa rin pong patuloy na maging mapagmatyag at maging mapagbantay,” paalala ni Bello.

“Pero maganda na tuloy-tuloy na po ang pag-usbong ulit ng komersiyo, ng turismo dito po sa bayan po ng Tagaytay,” dagdag pa niya.

Ayon kay Bello, dumoble na ang bilang ng mga turista na bumibisita sa mga popular na pasyalan sa  Tagaytay ngayong buwan kumpara noong Nobyembre.

Idinagdag din ng local tourism official na fully booked na rin umano ang accommodation establishments, maging ang restaurants sa Tagaytay.

“Nakatulong din po siguro na malamig na ang panahon at alam naman po natin na ang Tagaytay ay isa sa mga best place na puntahan para ma-enjoy natin itong ganitong klaseng klima,” sabi ni Bello.

Upang masiguro na nasusunod ang health at safety protocols, ibinahagi ni Bello na binibisita nila ang tourism establishments upang tumulong sa pagpapatupad ng minimum public health standards. RNT/SA