MGA BUNTIS, MAGPABAKUNA MUNA BAGO MANGANAK

MGA BUNTIS, MAGPABAKUNA MUNA BAGO MANGANAK

January 19, 2022 @ 9:11 PM 7 months ago


PINAKAMAINAM na magpabakuna muna laban sa coronavirus disease-19 bago manganak ang isang buntis.

Ito’y para maging higit na ligtas ang ina at ang baby sa mga huling buwan ng pagbubuntis at makaraan ang panganganak.

Sinasabi natin ito, mga Bro, sa gitna ng takot ng maraming Pinay na buntis na magpabakuna laban sa COVID-19 sa paniniwalang mapapasama ang kanilang ipinagbubuntis.

Nakakalap ng ULTIMATUM ang pangamba sa bakuna ng mga buntis mula sa mga pilahan nila habang nagpapatsekap sa mga barangay health center.

Mas gusto ng marami na magpabakuna matapos silang manganak.

KAPAG NA-COVID BAGO MANGANAK

Ayon sa pag-aaral na isinagawa sa Scotland, United Kingdom ukol sa mga buntis na kinakapitan ng COVID-19, pinakadelikado ang kalagayan sa 28 araw bago ang panganganak hanggang sa 28 araw makaraan ang panganganak.

Lalo na sa mga buntis na inilalagay sa mga intensive care unit.

Dito umano nagaganap ang mga pagkakunan, pagkamatay ng baby bago ipanganak at pagkamatay rin ng baby makaraan itong ipanganak.

Lumabas umano ito na resulta ng pag-aaral sa 87,000 buntis sa nakalipas na dalawang taon at 4,950 rito ang na-COVID.

Kapag na-COVID naman ang buntis sa kanyang mga unang buwan, mas kakaunti ang tsansa na masira at mamatay ang baby.

Isinagawa ang pag-aaral na Covid in Pregnancy Study (Cops) ng mga siyentista mula sa ilang unibersidad ng Scotland, New Zealand at United Kingdom at iba pang mga orgnanisasyon mula Disyembre 2020 na pasimula ng pagbabakuna sa UK hanggang sa Oktubre 2021 at iniulat ng BBC.

98% HINDI BAKUNADO

Sa kabuuan umano ng libo-libo nilang isinalang sa pag-aaral, 32 porsyento lang ang nangahas na magpabakuna.

At nagmula rito ang mga naging ligtas na ina at baby sa mga araw ng panganganak.

Lumalabas namang sa hanay ng 77 porsyento na hindi bakunado nagaganap ang mga komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.

Isa pa, mula sa mga hindi bakunado galing ang 98 porsyentong inilalagay sa ICU na roon nagaganap ang mga grabeng komplikasyon.

MIRACLE BABY

Isa sa mga naging ehemplo ng magandang balita sa pagpapabakuna habang buntis ang isang inang nakunan ng pitong beses at nabuntis noong Enero 2021.

Miracle baby ang tawag ngayon ni Nyree Mairs sa kanyang anak na kanyang ipinagbubuntis nang magka-COVID siya.

Laking pasasalamat niya na nakinig siya sa mga doktor na nagpayo sa kanya na magpabakuna.

Naging malusog si baby na kanyang ipinanganak at hindi niya naranasan ang naranasan ng mga hindi bakunado na namatayan ng anak.

KAYA MAGPABAKUNA, HUWAG MATAKOT

Malinaw sa nasabing pag-aaral na ligtas at epektibo ang bakuna laban sa COVID sa mga buntis.

Mula rito, maging mahigpit sanang kumapit ang mga buntis sa bakuna bilang paraan nila ng ligtas na pangangak at malusog na baby sa panahon ng pandemya.

Mali ang pagsasabing mapapasama ang baby sa loob ng sinapupunan.

Dapat isama ng mga buntis ang bakuna sa COVID sa mga bakuna na itinuturok sa kanila para na rin sa kanilang mga baby gaya ng anti-tetanus at iba pa.

Alalahaning kapag ipinanganak ang baby, hindi na ito pupwedeng turukan ng bakunang anti-COVID hanggang hindi nito naaabot ang edad na lima.