MGA CONTRACTOR O BUILDER INAARESTO SA MGA GUMUHONG GUSALI SA TURKEY

MGA CONTRACTOR O BUILDER INAARESTO SA MGA GUMUHONG GUSALI SA TURKEY

February 15, 2023 @ 12:48 PM 1 month ago


DINARAKIP na ng mga awtoridad ng Turkey ang mga kontraktor o gumawa ng mga gusaling nagiba o gumuho makaraang tamaan ang mga ito ng kambal na malalakas na lindol na magnitude 7.8 at 7.5.

May nadakip nang mahigit sa 130 katao mula sa kanilang mga opisina, bahay at ang iba, inaresto sa mga paliparan habang papatakas paalis sa Turkey.

Isa sa mga ito ang nagsabing gumawa siya ng 40 gusali subalit apat dito ang nagiba.

Sinusuyod pa ang ibang mga kontraktor o builder lalo’t halos 6,000 ang nagiba o gumuhong mga gusali.

May 13 milyong apartment umano ang nakatayo sa buong Turkey, kasama na ang maraming nagiba sa lindol na may taas na aabot sa 7-10 palapag.

Habang isinasagawa ang pag-aresto, pinuna naman ng iba ang patakaran ng mismong pamahalaan sa mga lumalabag sa batas sa paggawa ng mga gusali.

Kapag natagpuang may paglabag, hindi pinatutuwid ang mga mali o pinare-repair kung pinagmumulta lang.

Binibigyan ng amnestiya o kapatawaran ang mga nagpapatayo ng mga substandard na gusali at pinagbabayad na lang ang mga kontraktor o builder o may-ari.

Nagmula umano sa batas sa amnestiya ang nakapakalaki at nakamamatay na disgrasya sa lindol.

Sa Pilipinas kaya?

Sana naman, walang gaanong anomalya sa paggawa ng mga gusali.

Subalit sinasabing ang mga matataas na gusali lang ang maaaring maligtas sa malalakas na lindol na magnitude 7.8 sa Turkey-Syria kamakailan at sa Cabanatuan City-Baguio City noong Hulyo 16, 1990.

Karamihan umano sa mga bungalow at 2-storey ang maaaring madaling magiba dahil sa pagiging substandard ng mga ito kung magkalindol ng magnitude 7.2 gaya ng inaasahang “The Big One|” sa Mega Manila at lalong masama ang mangyari kung may magnitude 7.8.