Mga dam ‘di napinsala sa lindol – NIA

Mga dam ‘di napinsala sa lindol – NIA

August 1, 2022 @ 3:24 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ng National Irrigation Administration (NIA) na walang naitalang pinsala ang ahensya sa mga pasilidad ng patubig sa katatapos na 7.0 magnitude na lindol na tumama sa Luzon noong nakalipas na Hulyo 27, 2022.

Ito ang paniniyak ni NIA Acting Administrator Benny Antiporda at sinabing walang naitalang pinsala ang Central Office ng NIA sa mga dam sa bansa.

Sa ginanap na press conference kaninang umaga sinabi ni Antiporda tiniyak nito na base sa pagtatasa at pagsusuri ng ahensya walang naitalang pinsala ang katatapos na lindol sa mga dam.

Sinabi pa ni Antiporda na ang Magat River Intergrated Irrigation System (MARIIS) at ang Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS) ay ligtas at walang naitalang pinsala pagkatapos ng lindol.

“Walang naitalang pinsala sa Magat River Integrated Irrigation System (MARIIS) at Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (UPRIIS)” ani pa ni Antiporda.

Ayon pa kay Antiporda hindi rin naapektuhan ng lindol ang integrated ng Pantabangan Dam.

“Hindi rin naapektuhan ang Pantabangan Dam” dagdag pa ni Antiporda.

Nabatid pa sa NIA na ipinakita ng mga ulat na walang malaking pinsala sa mga istruktura/empbankment ng dam, mga pasilidad ng gusali, daanan, mga istruktura ng kanal at mga electro-mechanical na bahagi sa ilalim ng UPRIIS Dam Reservoir.

Kaugnay nito sinabi naman ng NIA na bagamat walang naitalang pinsala sa mga dam matapos ang lindol may iniulat na pinsala ng lindol sa mga proyekto sa Patubig mula sa data sa NIA Regional Office ay aabot sa 27 sistema ng patubig/proyekto ang napinsala at tinatayang aabot sa P243.33 Milyong halaga ang napinsala

Habang aabot naman sa 3,167.50 ektarya ng lupang pang-agrikultura ang apektado.

Kaugnay nito sa Region 1 sa Sirang Main Canal (150 metro) ng Banaoang Pump Irrigation System sa Bantay Ilocos Sur ang naapektuhan ang serbisyo ng irigasyon sa humigit kumula sa 2,000 ektarya.

Habang ang tinatayang halaga ng pinsala sa imprastraktura ay P15 Milion.

Kaugnay nito sa Cordillera Administrative Region (CAR) aabot sa 26 ang mga proyekto ng irigasyon ang napinsala.

Habang aabot sa 1,167.5 ektarya ng lupang pang-agrikultura ang apektado.

Ang tinatayang halaga ng agarang pagkukumpuni para maibalik agad ang serbisyo ay P61.33 Milyon.

Ayon pa sa NIA ang Tinatayang Repair Works upang maibalik ang pasilidad sa orihinal nitong function ay aabot sa P193 Million. Santi Celario