Mga ‘di pa bakunado sa COVID, bawal sa Manila malls

Mga ‘di pa bakunado sa COVID, bawal sa Manila malls

January 3, 2022 @ 10:00 AM 7 months ago


Manila, Philippines – Ipagbabawal na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na makapasok sa lahat ng Mall sa nasabing lungsod ang mga hindi bakunado kontra sa sakit na COVID-19.

Sa ginawang anunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang social media page, inatasan nito si Bureau of Permits Officer in Charge Levi Facundo na abisuhan ang lahat ng mall managers sa lungsod na hanapan ng “vaccination card” ang lahat ng papayagang makapasok sa kanilang mall simula ngayong araw (Enero 3).

“Bawal na pong pumasok sa mall ang mga hindi bakunado, so Director Levi Facundo inform already na sabihan ang mga mall managers na hanapin ang vaccination card whether it is from Quezon City, from other city, or the city of Manila. They have to present na yung mga papasok sa mga mall, menor de edad or adults, bawal nang pumasok sa mall nang hindi bakunado,” ani Domagoso.

Bukod sa pagbabawal sa mga hindi bakunado na makapasok sa lahat ng mall ay kinansela na din ang “face to face” classes sa lungsod ng Maynila simula ngayong araw hanggang Enero 15.

Ayon kay Domagoso, balik sa “online class” ang mga estudyante na kabilang sa early childhood education, primary (elementary), at secondary (highschool) at maghintay na lamang ng abiso mula sa lokal na pamahalaan kung kalian muling ibabalik ang face-to-face classes.

Samantala, inatasan na din ni Domagoso ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa pamumuno ni Director B/Gen. Leo Francisco gayundin ang lahat ng mga barangay officials sa Maynila na paigtingin ang pagpapatupad ng “curfew” sa mga menor de edad na magsisimula ngayong gabi mula alas-10 pm hanggang alas-4am.

Aniya, ang nasabing curfew hours sa mga menor de edad ay bunsod na din ng umiiral na ordinansa sa lungsod ng Maynila.

Ang mga naturang hakbang ay bunsod sa muling pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng sakit na COVID-19 na karamihan ay mga menor de edad at hindi mga bakunado kontra sa nasabing sakit gayundin ang pagtaas sa alert level 3 ng NCR. JAY Reyes