Mga doktor ipinadala sa unvaccinated communities- ULAP president

Mga doktor ipinadala sa unvaccinated communities- ULAP president

January 16, 2022 @ 11:24 AM 7 months ago


MANILA, Philippines- Ipinadadala ang mga doktor sa mga probinsya na maraming hindi pa bakunado laban sa coronavirus disease (COVID-19) upang ipaliwanag ang benepisyo ng bakuna, ayon sa isang opisyal ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) nitong Linggo.

Iginiit ni ULAP president at Quirino Governor Dakila Cua na tinutukoy na ng barangay captains ang mga ayaw magpabakuna subalit nahihirapan umano silang kumbinsihin ang mga ito na magpabakuna.

“Sila (barangay captains) talaga ang sumusuyod. Alam nila kung sino-sino (ang ‘di pa bakunado) at na-i-re-report naman sa atin. Ang hirap pilitin. Hindi puwedeng i-force ‘yung bakuna sa ating mga kababayan,” paglalahad ni Cua.

“May certain percent of population na hindi komportable magpabakuna  whether it is for religious reasons or medical reasons. ‘Yun ‘yung generic nilang binibigay na dahilan,” dagdag pa niya.

Upang tugunan ang isyu ng mga hindi pa bakunado, sinabi ni Cua na ilang local government units ang ngapapadala ng mga doktor sa unvaccinated communities upang subukan silang hikayatin na magpabakuna at ipaliwanag sa kanila ang bisa nito laban sa virus.

“Pero at least na-i-identify kung sino-sino ito ang strategy natin. Pinapapunta ang doctor sa malalayong lugar para doktor ang magpaliwanag… Puwede sila magtanong, puwedeng malaman ang updates sa bakuna at effectivity nito,” sabi ni Cua. RNT/SA