MGA DUTERTE, SUPORTADO SI PANELO

MGA DUTERTE, SUPORTADO SI PANELO

February 16, 2022 @ 2:19 PM 4 months ago


SA pangatlong pagkakataon, inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ng dati niyang chief legal counsel at spokesperson na si Salvador Panelo bilang senador.

Sa isang video sa social media, sinabi ng Pangulo na malaking tulong sa bayan kung mahalal si Panelo.

“Mabait na tao… he talks of nothing except for the good of the country… He has the intelligence… and the capacity,” ayon sa Pangulo. “Iboto n’yo si Sal, at hindi kayo magkamali.”

Una nang naghayag ng suporta ang Pangulo kay Panelo noong June 2021 bago pa man ito nag-file ng kandidatura. Sa programang “Talk to the People,” sinabi niya na paborito niyang senatorial candidate si Panelo dahil bilib siya sa kanyang talino at katapatan.

Noong September 2021 naman, nanawagan ang Pangulo sa publiko na tulungan si Panelo maging senador.

Hindi lang ang Pangulo ang tanging Duterte na nag-endorso ng kandidatura ni Panelo. Kahit tila hindi magkapareho ang pananaw sa usaping pulitika, sang-ayon ang Pangulo at ang anak niyang si Mayor “Inday” Sara Duterte sa pagsuporta kay Panelo.

Sa proclamation rally ng UniTeam sa Philippine Arena noong February 8, pinangalanan ni Mayor Sara si Panelo bilang isa sa mga sinusuportahan niyang senador. Nauna nang hinayag ni Mayor Sara ang suporta niya kay Panelo sa programang “Sara All For You” noong February 2.

Sa isa namang video sa social media noong January 26, ipinahayag din ni First Lady Honeylet Avanceña na malaki ang tiwala nila ng Pangulo sa kanya dahil siya ay matino at malalapitan ng masa.

Ibinida rin ng First Lady na si Panelo ang unang kandidato na ikinampanya niya, maliban kay Pangulong Duterte.

Taos puso namang nagpasalamat ang kandidato ng PDP Laban sa Senado sa suporta ng mga Duterte.

“Isang malaking karangalan ang tiwala at suporta na bigay sa akin ng pamilya Duterte. Makaaasa sila na itutuloy ko sa Senado ang serbisyong may tapang at malasakit na sinimulan ni Pangulong Duterte,” sabi ni Panelo.

Dagdag pa ni Panelo: “Buong puso kong sinusuportahan si Mayor Sara katulad ng pagsuporta ko sa kanyang ama, kahit magkaiba kami ng partido. Kaya ako ay nagagalak na nagpahayag din ng suporta si Mayor Sara sa aking kandidatura sa Senado kahit hindi ako kabilang sa Uniteam.”

Sa panguluhan naman, sinabi ni Panelo na hinihintay niya ang abiso ng Pangulo kung sino ang dapat suportahan. Kung hindi man siya pumili, sinabi ni Panelo na mas mabilis ang pagsulong ng bansa kung may pagkakaisa, kaya makikipagtulungan siya sa kung sino man ang ihalal ng taumbayan.