Mga empleyado ng Meralco, may pamasko sa mga teacher-frontliner

Mga empleyado ng Meralco, may pamasko sa mga teacher-frontliner

December 20, 2020 @ 1:46 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Mahigit 2,000 guro sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Metro Manila at karatig na lalawigan ang nakatanggap ng espesyal na regalo mula sa mga kawani ng Manila Electric Company (Meralco) bilang bahagi ng “Teacher- Frontliner” campaign.

Ang nasabing adbokasiya ay programa ng One Meralco Foundation, ang corporate foundation ng Meralco, na naglalayong tumugon sa pangangailangan ng mga guro ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Nag-ambagan ang mga kawani ng iba’t ibang sangay ng kompanya upang mamahagi ng mga personal protective equipment para sa mga guro, na maituturing din na mga frontliner dahil sila ang namamahagi ng mga learning module at ang iba sa kanila ay nag-iikot sa mga tahanan ng kanilang mga mag-aaral.

“Bukod sa institutional donation ng Meralco, malaki rin ang naitulong ng ambag ng mga empleyado nito upang maisakatuparan ang programang ito. Ang ibang opisina sa Meralco, pinagpaliban na muna ang pagkakaroon ng Christmas party. Sa halip, ‘yung budget nila para rito ay inilaan nila sa ating programa,” pahayag ni Jeffrey Tarayao, presidente ng One Meralco Foundation.

Bawat guro na naabot ng programa ay nakatanggap din ng isang “Teacher Frontliner” backpack na maaaring gamitin ng mga guro sa pagdadala ng laptop at iba lang teaching gadgets na kinakailangan para sa online classes, o kaya ay ng mga module.

“Hindi maiiwasang mangamba rin ako sa kaligtasan ko tuwing lumalabas ako ng bahay para pumasok sa eskwelahan. Ngunit alam kong may mahalagang tungkulin ako na dapat gampanan upang maipagpatuloy ng aking mga estudyante ang kanilang pag-aaral,” saad ni Maria Luz Baltazar, Grade 6 teacher sa Marick Elementary School sa Cainta, Rizal.

“Ang ating mga guro ay maituturing din nating mga bayani sa panahon ng COVID-19. Kung wala sila, hindi makapag-aaral ang mga bata. Kaya dapat lang na sila ay ating alagaan at tulungan upang maprotektahan nila ang kanilang mga sarili laban sa virus na patuloy nating nilalabanan,” dagdag ni Tarayao.


  •  
  •  
  •  

Loading...