MGA ESKWELA BANTAYAN

MGA ESKWELA BANTAYAN

February 17, 2023 @ 4:02 PM 1 month ago


ANO ba ‘yang mga pagpatay sa loob at labas ng mga eskwela na mga batang mag-aaral mismo ang mga biktima?

Pinakahuli ang naganap na pamamaril sa iskul sa Brgy. Gli-Gli, Pikit, Cotabato.

Namatay ang 13 anyos na mag-aaral dahil sa pamamaril at nasugatan naman ang dalawang iba pang 12 anyos na mag-aaral din na naglalakad sa labas ng iskul.

Maganda naman ang ginawa ni Pikit Mayor Sumulong Sultan na pagsuspinde sa lahat ng klase sa mga iskul sa kanyang bayan upang mapag-aralan ang pangyayari, kasama ang pagkilala sa mga salarin, pamamaraan at gamit ng pagpatay ng mga ito upang malaman ang mga tamang tugon dito.

IBANG PAGPATAY

Nauna rito, nitong Enero 20, 2023, pinagsasaksak sa dibdib ng isang estudyante ang kapwa niya estudyante sa Culiat High School, Qezon City.

Parehong Grade 7 ang dalawa at magkapitbahay pa ang mga ito sa isang compound malapit sa iskul.

Ang sabi, nagmula sa selos ang dahilan ng pagpatay.

Naging saksi ang maraming estudyante sa pangyayari at naapektuhan ang pag-aaral ng mga ito ng kung ilang araw.

GUWARDIYA SA LOOB AT LABAS

Sa pagsolba sa problema sa katulad na mga krimen, isa sa mga epektibong paraan ang pagtatalaga ng mga guwardiya sa loob at labas ng mga paaralan.

Kapag may guwardiya, higit na makatitiyak ang mga iskul na mapigilan ang pagpasok ng mga armas, mula sa kutsilyo hanggang baril at iba pang gamit na para pumatay.

Meron kasing mga pagrekisa at pagronda sa loob ng mga eskwela ng mga guwardiya.

Maaari ring pamigil sa paggawa ng krimen ang mga guwardiyang kahit nakatanaw lang sa labas o paligid ng mga eskwela.

UGNAYAN NG ISKUL AT IBANG MGA AHENSYA

Maganda ring may magandang ugnayan ang mga iskul at iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Tingnan ninyo kung gaano kaepektibo ang mga lokal na pamahalaan ng Quezon City sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte at ng Pikit ni Mayor Sumulong Sultan.

Hindi biro-biro ang ipinakikita nilang pagkilos laban sa mga suspek at pangangalaga sa mga biktima.

Naririyan din ang pakikiisa ng mga opisyal ng mga local government unit sa Philippine National Police, sa mga pamahalaang barangay, sa mga sundalo at iba pa na nakatutulong sa pangangalaga ng kaligtasan ng mga mamamayan.

P150M CONFIDENTIAL AND INTELLIGENCE FUND

Sa pagkakaalam natin, may P150 milyong confidential and intelligence fund ang Department of Education.

Kailangan na kailangan ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte ang CIF na ito para maglunsad ng mga panseguridad na programa sa mga iskul na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, gaya ng pinangyarihan ng mga nabanggit nang krimen.

Maaaring dito manggaling ang pasahod sa mga guwardiya, paglalagay ng mga CCTV at iba pang tao at gamit para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at empleyado ng mga iskul at iba pa.