Mga eskwelahan dapat proactive sa usapin ng hazing – Bato

Mga eskwelahan dapat proactive sa usapin ng hazing – Bato

March 1, 2023 @ 4:15 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Dapat maging proactive ang mga eskuwelahan pagdating sa usapin ng hazing o initiation rites sa mga fraternity o sorority.

Sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Marso 1, sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi siya pabor na ipagbawal ang nasabing brotherhood o samahan.

Sa halip, sinabi ng senador na dapat magsilbi silang pulis sa kanilang hanay upang maiwasan ang pagbubuwis ng buhay.

Ang pahayag ni Dela Rosa ay kasunod nang umano’y pagkamatay
ng isang third year chemical engineering student ng Adamson University na si John Matthew Saliligid, dahil sa hazing.

Iginiit din ni Dela Rosa na mayroon ng batas laban sa hazing—kailangan lamang aniyang maging proactive sa pagpapatupad ng batas ang mga unibersidad o eskuwelahan.

Si Senador Dela Rosa ay nagtapos sa Philippine Military Academy o PMA kung saan ilang kadete na rin ang nagbuwis ng buhay dahil sa sinasabing hazing, ngunit tumanggi namang magsalita ang Senador nang tanungin kung kailangang sumailalim sa hazing ang isang estudyante o kadete. Jocelyn Tabangcura-Domenden